May offer daw ang Banco de Oro (BDO) na bilhin ang mga shares na ito. Dapat magkaroon ng united stand sina GSIS President and General Manager Winston Garcia at SSS President Corazon dela Paz upang tiyaking hindi maagrabyado ang milyun-milyong GSIS at SSS members sa bentahan. At iyan mismo ang panawagan ni Garcia kay dela Paz.
Ang alok daw ng BDO ay P56 sa bawat share pero may nag-aalok na bilhin ito sa halagang P92 o higit pa. Bilang isa rin namang kasapi sa SSS, naniniwala ako na kung maibebenta man ang ating shares, hindi naman dapat sa halagang palugi. Magugunita na nung 2003 muntik nang matuloy ang ganitong bentahan na napigilan lamang porke tumutol ang Association of Retired Persons (ARP) dahil agrabyado ang mga GSIS at SSS members.
Dapat, ikonsidera ang kapakanan ng mga kasapi ng SSS gayundin ng GSIS na posibleng maagrabyado kapag natuloy ang ganyang klaseng bentahan. Hindi interes ng isang negosyante o grupo ng negosyante ang dapat protektahan kundi ang taumbayan.
Bukod sa ARP, mahigpit ding tumututol sa panukalang pagbebenta sa EPCIB ang Philippine Government Employees Association (PGEA)at Association of Concerned Employees for a Better SSS (ACESS).
Sina Garcia at dela Paz ay parehong kinatawan ng gobyerno sa Equitable at moral obligation nila na pangalagaan ang kapakanan ng may 26.5 milyong kasapi ng GSIS at SSS.