^

PSN Opinyon

‘Death text…’

CALVENTO FILES - Tony Calvento -
KASABIHAN tayong mga Pilipino na mahilig sa text. Kasama na sa pang-araw-araw na buhay natin ang pagte-text sa ating mga minamahal, kaibigan at mga importanteng tao sa buhay natin. Ang kasong tatalakayin sa araw na ito tungkol sa pagte-text ng biktima na naging kapalit nito ay ang kanyang buhay. Isang text message na hindi inakala ng kanyang pamilya na mauuwi ang lahat sa kanyang kamatayan.

Nagsadya sa aming tanggapan ang mag-asawang Resty at Julieta Lising ng Valenzuela upang humingi ng kaso hinggil sa pagkakapaslang ng kanilang anak na si German.

Ika-17 ng Oktubre 2002, galing sa trabaho ang biktima. Nagtatrabaho ito sa Watson, Carriedo bilang stockman. Pauwi na sana ito ng bahay nang makatanggap siya ng text message mula sa kaibigang si John Hallig. Niyaya nito si German na magpunta sa bahay ng isang kaibigan sa Marulas, Valenzuela, si Cristan Viado.

"Birthday kasi noon ni Cristan. Bago sila magpunta sa bahay ay dumaan muna sila sa bahay nina Paulo Antipoda, ang isa sa dalawang suspek na pumatay sa anak ko," sabi ni Resty.

Pagdating sa bahay ng mga Antipoda, galit umanong hinarap ni Paulo sina John at German. Saka na lamang napag-alaman na nagkaroon ng gulo sa nasabing birthday matapos magalit ang ama ni Cristan sa mga nag-iinuman.

"Pinagalitan si Cristan ng kanyang ama dahil maaga pa lang ay nag-iinuman na ang mga ito. Noong dumating sina John at German sa bahay ng mga Viado ay nagsi-uwian na ang mga kaibigan nila kaya umuwi na rin silang dalawa," kuwento ni Resty.

Sa halip na sa kabilang kanto dumaan ang magkaibigang German at John, sa kanto ng Liwayway St. sila dumaan. Doon nila nasalubong ang grupo nina Paulo na umano’y pawang mga lasing na. Samantala habang nagte-text sa kanyang cellphone ang biktima bigla na lang umanong nasagi ni Paulo ang siko nito dahilan kaya bumagsak ito sa kalsada.

"Ang sabi daw ng anak ko kay Paulo, ‘Ano problema?’ Sumagot naman daw ito ng ‘Ikaw!’ hanggang sila ay nagtalo hanggang sa mauwi sa suntukan," salaysay ni Resty.

Samantala habang nagsusuntukan umano sina German at Paulo, isang Ramil Reyes alyas Viagra ang may dala-dalang kutsilyo na ginamit na panaksak sa biktima.

"Bigla na lamang daw dumating si Ramil at pasugod kay German. Hinugot ang kutsilyo sa shorts nito habang inaawat siya ng isang nagngangalang Andoy. Nabitiwan ang kutsilyo dahil natumba daw ang dalawa. Mabilis na kinuha ni Paulo at kutsilyo at ito’y sinaksak sa anak ko," salaysay ni Resty.

Mabilis namang nagtakbuhan ang mga suspek papalayo sa lugar na pinangyarihan ng krimen. Isang alyas Balat naman ang sumundo sa mga magulang ni German upang ipaalam ang nangyaring insidente. Agad namang dinala ng mga kaibigan sa Valenzuela General Hospital si German.

"Sumunod na lamang kami sa ospital subalit hindi na rin naabutan ang aming anak dahil binawian na rin siya ng buhay," sabi ni Resty.

Samantala agad namang inireport sa himpilan ng pulisya ang naganap na krimen. Nagsampa ng kaukulang reklamo ang pamilya ng biktima laban sa mga suspek.

"Murder ang ikinaso namin sa mga suspek. Nagkaroon ng preliminary investigation hanggang sa lumabas ang resolution. Nalungkot kami nang ma-downgrade na lang ito sa homicide," pahayag ni Resty.

Hindi na rin nagpakita pa ang mga suspek at tuluyan na itong nagtago. Gayunpaman, hindi pa rin tumigil ang pamilya Lising sa paghahanap ng hustisya para sa namatay na si German. Lumabas ang warrant of arrest laban sa mga suspek na sina Paulo at Ramil.

Matapos ang halos ang isang taong pagtatago nahuli si Ramil at nakulong. Subalit buwan ng Disyembre 2004 ay nakalaya din.

"Mahina raw ang ebidensiya laban kay Ramil kaya nakalaya siya. Ang sabi sa amin ay mas mabuting mahuli si Paulo para maging matibay din ang aming reklamo laban kay Ramil," sabi ni Resty.

Ayon pa kay Resty, nagkaroon umano ng problema sa warrant of arrest dahil nawala ang files sa kaso kanyang anak sa RTC. Umaasa siyang mabigyan ng hustisya ang nangyari kay German.

"Sana mahuli na ang suspek na si Paulo para pagbayaran niya ang krimeng ginawa niya," pagwawakas ni Resty.

Nais kong pasalamatan ang tanggapan ni Administrator Benedicto Ulep ng Land Registration Authority sa walang sawa niyang pagpapadala ng representative sa aming tanggapan para sa may mga problema sa lupa. Nagpapasalamat din ako kay Engr. Porferio Encisa Jr., Chief, Subdivision and Consolidation Division ng LRA.

Nais ko ding pasalamatan si Ms. Jehan Raymundo at Kenneth Iremedio ng LBC sa agarang aksyong ginawa nila upang makatulong sa isang biktima ng krimen na dumulog sa aming tanggapan. Dapat i-promote kayo ng LBC. Mabuhay kayong dalawa.

Para sa lahat ng biktima ng karahasan, krimen at mga legal problems, maaari kayong tumawag sa 6387285 o di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

Ugaliing makinig sa aming radio program "HUSTISYA PARA SA LAHAT" kasama si DOJ Secretary Raul Gonzalez, Prosecutor Olive Non at ang inyong lingkod, tuwing Sabado alas-7 hanggang alas-8 ng umaga sa DWIZ 882 am band.

ADMINISTRATOR BENEDICTO ULEP

CRISTAN

GERMAN

PAULO

RAMIL

RESTY

SAMANTALA

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with