Narito ang unang pagbasa (Sirach o Ecclesiastes 47:2-11).
"Si David ay hinirang sa lahat ng kalalakihan sa Israel, parang taba na inihiwalay sa handog na iniaalay. Pinaglaruan niya ang leon na wariy bisirong kambing, at ang mga oso na wariy maliit na tupa. Binatilyo pa lamang siya nang patayin niya ang higante at sagipin sa kahihiyan ang bayang Israel. Pinabagsak niya ang palalong Goliat, sa pamamagitan ng isang batong ibinala niya sa kanyang saltik. Sapagkat nanawagan siya sa Panginoong Kataas-taasan, pinag-ibayo nito ang lakas ng kanyang bisig, at napatay niya ang batikang mandirigma ng kaaway, upang igalang ng mga bansa ang kapangyarihan ng kanyang bayan. Kayat tinawag siyang "ang nagwagi sa sampu-sampung libo." At noong igawad sa kanya ang korona ng pagkahari, ipinagdiwang siya ng bayan sapagkat hinirang siya ng Panginoon. Nilupig niya ang mga kaaway na Filisteo at pinasuko sila hanggang sa panahong ito.
Nagpasalamat siya sa Diyos, at sa lahat niyang nagawa; sa Kataas-taasan at Kabanal-banalan niya iniukol ang karangalan. Humabi siya ng mga awit na nagmumula sa kaibuturan ng puso, upang ipakilala ang pag-ibig niya sa Maykapal. Naglagay siya ng mga mang-aawit at manunugtog, upang umawit sa harap ng altar sa saliw ng mga alpa. Pinaringal niya ang pagdiriwang ng mga pista, at itinakda ang kanilang mga araw sa loob ng isang taon; anupat umalingawngaw sa tahanan ng Panginoon ang papuri sa kanyang banal na pangalan, mula sa bukang-liwayway hanggang sa paglubog ng araw.
Pinatawad siya ng Panginoon sa kanyang mga kasalanan, at ibinigay sa kanya ang kapangyarihan magpakailanman. Iginawad sa kanya ang korona ng pagkahari at ipinangako sa kanyang angkan ang trono ng Israel.
Sanay, tulad ni David, matutunan natin ang magpakumbaba at tuwirin ang ating landas.