Ang reklamo ay nanggaling sa pamunuan ng Nagkakaisang Manininda ng Norzagaray, Bulacan.
Isang batalyon ng mga kasapi ng samahang ito ang dumulog sa BAHALA SI TULFO at BITAG upang tulungan umano silang maiayos ang gulong namamagitan sa kanila ng kanilang alkalde.
Nakakaranas na umano sila ng panggigipit at pananamantala mula sa mga tauhan ni Mayor Legaspi.
Dagdag pa ng mga pobreng tinderay hindi na ibinabalik ang mga panindang kinumpiska sa kanila. Ang siste, wala raw kaukulang papeles na ipinapakita sa kanila ang mga special task force kuno ni Mayor Legaspi na silay may violations na kailangang swetuhin.
Ang ugat ng problema, ayon sa mga nagrereklamo ay ang bagong tayo na palengke sa Norzagaray. Ayon sa PAMANA, hindi pa naaprubahan ang proyektong ito sa Sanggunian ng Panlalawigang Bayan.
Meron din daw silang mga petition letters kung saan natatalakay doon ang kanilang suliranin at di pagsang-ayon sa itinayong pamilihan.
Hawak ng BAHALA si TULFO at BITAG ang ilan sa mga dokumentong ipinasa ng samahan sa munisipyo. Nakasulat dito (kung hindi pa nababasa ng tanggapan ni Mayor) na halos wala nang kinikita ang mga tindera kasabay pa ng mataas na bayaran sa puwesto ng nasabing bagong palengke.
Ngunit, hinaing ng PAMANA na walang progreso sa usaping ito at tila raw hindi inintindi ng KANILANG Mayor ang kanilang mga petisyon.
Mayor Legaspi, matagal-tagal na rin naming naririnig ang alitan sa pagitan ng iyong opisina at samahang PAMANA. Sabihin na nating naku-kulili na ang BAHALA si TULFO at BITAG sa lumang alitan na ito.
Kaya, kinakalampag namin ngayon ang iyong opisina, Mayor Matilde Legaspi na linisin ang iyong pangalan sa mata ng samahan maging ng iyong nasasakupan.
Ayaw naming, kami sa BAHALA si TULFO at BITAG ang makialam sa problemang ito ng iyong bayan gayung kayang- kaya namang resolusyonan ng PATAS ng iyong munisipyo.
Mananatili munang bukas ang aming tanggapan para sa anumang kasagutan, bago kami kumilos!