Sa aming lugar sa Sunriser Subdivision, Novaliches Caloocan City, laking tuwa naming mga residente nang (matapos ang mahabang panahon) magkaroon na ng serbisyo ng tubig sa pangangasiwa ng Maynilad Water Services, Inc.
Datiy may mga water tankers na nagrarasyon ng tubig sa aming lugar na binibili ng mga residente ng P25 kada drum. Ngayon may Maynilad service na, wala nang problema sa tubig. Ang lakas pa ng daloy. Sa sobrang lakas, nakakalas ang koneksyon sa mga tubo. Pero hindi problema iyan dahil nareremedyuhan naman. Ito ang problema ng ilang kapitbahay ko.
Nagtataka ang ilang may-ari ng maliit na tindahan sa ipinadalang notice ng Maynilad sa kanila. Pirmado ito ni Mr. Antonio Yamsuan, hepe ng North Caloocan Business Center -Zone I. Matapos daw ang isang on-site inspection, napatunayang mayroon silang business activities kaya ang kanilang rate code ay itinaas sa semi-business. Ibig sabihin, madaragdagan ang kanilang dapat bayaran kaysa kinukunsumo ng mga walang tindahan. Style PLDT. Kapag ikinomersyo ang telepono, natural mas malaki ang rate. Pero hindi naman ibinebenta sa tindahan ang tubig ng Maynilad. Bakit dapat itaas ang singil?
Nitong Pebrero, ipatutupad pa ang dose porsyentong EVAT. Eh di lalung lalaki ang pasanin ng mga taong ito na ibig lang maghanapbuhay nang marangal? Ang pagpapataw ng dagdag na bayad sa mga residenteng may maliit (as in maliit) na tindahan ay katumbas ng pagpapataw ng buwis na poder lamang ng pamahalaan. Maliit mang tindahan, may binabayaran na rin ang mga residenteng ito sa kanilang taunang business permit. Tapos daragdagan pa ng Maynilad na isang pribadong ahensya? Hindi pa nakuntento sa pagdaragdag ng singil para daw sa improvement ng kanilang pasilidad.
Unang-una, ang maliit na tindahan ay hindi nagdudulot ng dagdag na gastusin sa panig ng Maynilad, bakit dapat magbayad ng malaki ang mga residente? Hindi ko maintindihan.
Ang lagay ba naman, may tax na sa gobyerno, may tax pa sa pribadong provider ng serbisyo?
Maawa naman, po kayo sa taumbayan.