^

PSN Opinyon

"Skateboard, baril at kutsilyo…"

CALVENTO FILES - Tony Calvento -
NAG-UMPISA ang lahat sa skateboard nang magalit ang suspek sa anak na biktima nang matamaan ang paa nito. Maliit na bagay lamang ito kung iisipin subalit umabot pa ito sa patayan. Inunahang tirahin ng suspek ang biktima matapos nitong makabalita na nanghihiram ng baril ang biktima.

Nagsadya sa aming tanggapan si Edna Saballes ng Taguig upang humingi ng tulong hinggil sa kaso ng kanyang asawang pinaslang na mahigit isang dekada na ang nakalipas subalit hanggang ngayon ay hindi pa rin nahuhuli ang mga pumatay dito.

Ika-17 ng Enero 1992 habang naglalaro ng skateboard ang anak nitong si Jun-Jun na noon ay anim na taong gulang pa lamang, natamaan nito ang daliri sa paa ng isa sa mga suspek na si Judy Arce.

"Hindi naman sinasadya ng anak kong matamaan siya. Nagalit siya kay Jun-Jun kaya ang ginawa niya ay binatukan niya ito. Ayon sa mga nakakita malakas daw ang pagkabatok ni Judy sa anak ko. Nagkaroon pa nga ito ng bukol," kuwento ni Edna.

Nang malaman ni Edna ang nangyari sa anak, agad nitong kinausap ang pulis na kamag-anak ng suspek upang ito’y pagsabihan. Nangako naman na kakausapin at pangangaralan nito si Judy.

Samantala dahil sa nangyari, natakot si Jun-Jun hanggang sa ito’y lagnatin. Mataas umano ang naging lagnat ng bata subalit hindi pa rin nagawang sabihin ni Edna sa asawa nitong si Escolastico na mas kilala sa tawag na Resty, ang nangyari sa anak.

"Ayoko na rin kasing palakihin pa ang nangyari kaya minabuti ko na lamang na itago ito sa asawa ko upang makaiwas sa gulo. Subalit ang hindi ko alam may isang kapitbahay na rin pala ang nagkuwento sa asawa ang nangyari sa aming anak," sabi ni Edna.

Kinausap ni Resty ang asawang si Edna matapos malaman ang nangyari sa anak kaya sinabi na rin nito ang totoo. Galit na galit si Resty nang malaman niya ang ginawang pambabatok ni Judy sa kanyang anak. Pinaliwanag ni Edna sa asawa kaya ayaw nitong ipaalam sa kanya ay upang wala ng pag-usapan pa.

Hindi naman nito kinumpronta si Judy. Nagsawalang-kibo na lamang siya subalit narinig ni Edna na kausap ni Resty ang isang kapitbahay na agad niyang ikinabahala.

"Tinanong ko siya kung bakit niya hinihiram ang baril ng kapitbahay namin pero hindi naman siya sumagot noon. Lingid sa kanyang kaalaman na nalaman pala ni Judy na nanghihiram siya ng baril," sabi ni Edna.

Ika-19 ng Enero, papuntang palengke ang mag-asawang Resty at Edna nang makasalubong ng mga ito ang suspek na si Judy. Nagkitinginan ng masama sina Resty at Judy kaya naman agad na ring iniwas ni Edna ang asawa sa posibleng kaguluhan.

Napanatag naman ang loob ni Edna na walang nangyaring gulo sa pagitan nina Resty at Judy subalit noong ika-20 ng Enero bandang alas-8 ng gabi sa Maharlika Village, Taguig naganap ang krimen.

"Katatapos lamang naming kumain ng hapunan ng yayain ako ni Resty na magpahangin sa labas. Pumuwesto kami sa tapat ng bahay ng aming ninang at doon kami ay nakipagkuwentuhan. Noong mga sandaling iyon ay dumaan sa harap namin si Judy pero hindi na rin naman siya kinausap ng asawa ko," sabi ni Edna.

Makalipas ang halos kalahating oras ay nagpaalam na si Resty na pumasok na sila sa loob ng bahay subalit tumanggi si Edna at pinakiusapan ang asawa na mauna na lamang siya. Pagkatapos noon ay nagpaalam na si Resty sa mga kausap. Ilang hakbang pa lamang ang layo ni Resty ay nakarinig si Edna ng ingay malapit na sa kanilang bahay.

"Mabilis kong pinuntahan ang asawa ko at nakita ko na lamang si Judy na pinupunasan ang ginamit nitong kutsilyong panaksak sa asawa ko. Kasama niya noon ang isa pang suspek na si Cesar. Sinigawan ko sila at tinanong kung bakit nila sinaksak ang asawa ko," salaysay ni Edna.

Ayon pa kay Edna, natitiyak nitong inabangan ni Judy ang kanyang asawa. Inunahan na umano nitong patayin ang asawa sa pag-aakalang may binabalak na masama sa kanya si Resty.

Samantala tadtad ng saksak ang iba’t ibang bahagi ng katawan ng biktima. Sinubukang dalhin pa ito sa ospital subalit hindi na rin ito umabot.

"Yakap-yakap ko noon ang asawa ko. Ibinilin pa nga niya sa akin ang aming mga anak. Pagkatapos noon ay hindi ko na alam ang mga nangyari dahil nawalan na ako ng malay," sabi ni Edna.

Mabilis na tumakas ang mga suspek matapos ang insidente. Nagsampa ng kaukulang reklamo si Edna laban kina Judy at Cesar. Nag-issue ng warrant of arrest subalit hanggang ngayon ay nakakawala pa rin ang mga ito.

Samantala nilisan na rin nila ang bahay matapos ang nangyari kay Resty. Magmula naman nang mabiyuda si Edna hindi siya tumigil sa kahahanap ng pagkakakitaan para may ipantustos sa pangangailangan sa lima nitong anak hanggang sa nagpasya siyang mangibang bansa para mabigyan ng magandang pamumuhay ang mga ito.

"Hirap na hirap kami noon nang mamatay si Resty kaya umaasa pa rin akong mahuhuli ang mga pumatay sa kanya kahit na may katagalan na ang kasong ito. Dapat nilang pagbayaran ang krimeng ginawa nila. Hangad kong mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Resty," pagwawakas ni Edna.

There is a lesson to be learned here. Kung hindi natin kayang kontrolin ang ating galit ang lahat ay mauuwi sa trahedya. Dapat tayong umiwas sa mga bagay na ikapapahamak natin.

Nais kong pasalamatan ang tanggapan ni Administrator Benedicto Ulep ng Land Registration Authority sa walang sawa niyang pagpapadala ng representative sa aming tanggapan para sa may mga problema sa lupa. Nagpapasalamat din ako kay Engr. Porferio Encisa Jr., Chief, Subdivision and Consolidation Division ng LRA.

Para sa lahat ng biktima ng karahasan, krimen at mga legal problems, maaari kayong tumawag sa 6387285 o di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

Ugaliing makinig sa aming radio program "HUSTISYA PARA SA LAHAT" kasama si DOJ Secretary Raul Gonzalez, Prosecutor Olive Non at ang inyong lingkod, tuwing Sabado alas-7 hanggang alas-8 ng umaga sa DWIZ 882 am band.
* * *
E-mail address: [email protected]

ANAK

ASAWA

EDNA

ENERO

JUDY

RESTY

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with