Ang upuan namin ay bangko na walang sandalan at lalo namang walang kutson. Ang mga dulo nga ay may mga pako pang naka-usli. Ang mesa naman namin ay hindi gawa sa Europa kung hindi ordinaryong mesang ginawa lang ng isa sa mga kasali sa naturang pulong si Mang Ambo na isang tubero, karpintero at electrician.
Meron naman itong takip na plastic na bulaklakin at nakalapat ng maganda dahil sa mga stapler at thumb tacks na ginamit sa mga dulo nito.
Ang sahig naman ay sementado bagamat walang tiles na ubod ng ganda at pininturahan ng pula at laging ginagamitan ng wax na nabibili ng por kilo sa palengke.
Karamihan sa amin ay naka t-shirt at maong lamang at wala sa aming nakasuot ng mga terno, barong o kayay Amerikana na nagkakahalaga ng libu-libong piso.
Merong naka-tsinelas, gaya ho ng inyong lingkod, merong naka lumang rubber shoes, may sapatilla, may bakya at tiyak walang mga Ferragamo, Bally o iba pang sapatos na nagkakahalaga ng suweldo ng isang ordinaryong pamilya sa loob ng isang buwan.
Meryenda ho namin, bananacue na luto ni Aling Chayong na may karinderya sa loob ng palengke at ang pantulak namin ay kape galing sa barakong nilaga at tubig lamang na inigib naman ni Manong Mel na may-ari ng bahay at operator at tsuper ng isang jeepney.
Ilan naman po sa amin ay nagpakuha ng sago at malamig na nakalagay sa plastic at may kasamang straw na tinda sa kanto ni Mareng Mina na kasali rin sa pulong na ito.
Anyway, di kagaya ng meeting sa Malacañang na punung-puno ng matitinding English na talumpati na sinulat ng mga speech writers na aral pa sa ibat ibang panig ng mundo, ang usapan namin dito ay Tagalog at tinutukoy agad ang problema na tunay na nararamdaman ng sambayanan.
Hindi rin ho maaaring patagalin dahil bawat isa ay may gagawin pa at hindi naman ubrang mananghalian sa naturang bahay dahil kapos nga sa budget at courtesy na nga lang ni Aling Chayong ang bananacue.
Heto ho ang resulta at ito ang mga problema na tunay na kalagayan ng sambayanan na ngayon ay patuloy ang paghihirap.
Manong Mel: Wala pang P200 ang kinikita ko sa isang araw, pag minalas ka pa ay hihingian ka pa ng pulis, MMDA, traffic aide at kung sinu-sino pang siga. Pati kinita ko sa Saudi upang ipambili ng jeep ay nagagalaw na tuwing masisiraan, tumataas ang piyesa, krudo at pati tong ay mas malaki na rin.
Aling Chayong: pataas nang pataas ang lahat ng bilihin, hindi naman ubra itaas ang tinda sa karinderya at lalong walang kakain. Ngayon may tax maping pa. Matindi pa nito, dadaanan ka pa ng mga barangay tagay o taga city hall na kakain ng libre tapos magpapabalot pa. Kung puwede lang nga lalasunin ko na.
Mang Ambo: Patitigilin ko muna si Junior sa isang taon, hindi na talaga kaya. Wala na halos nagpapaayos ng tubo, kuryente o kahit mga konting repair sa bahay. Noong nakaraang linggo, inaway pa ako diyan sa may Quirino Highway nuong isang kinabitan ko ng bagong tubo, bakit raw walang tubig na dumadaloy. Aba!!! Bakit hindi niya tanungin ang Maynilad, Manila Water at MWSS. Pati ba yun kasalanan ko.
Mrs. Reyes, guro sa public school: hindi na talaga magkasya ang suweldo namin at pilit kami pinagtuturo ng mahigit 70 kada klase. Araw araw tuloy namamaos ako sa kasisigaw. Buti pa yung mga taga head office, may ghost delivery ng libro, marami pang allowance, hindi na nila kailangan ng suweldo.
Sgt. Delos Santos, isang marine soldier: maliit ang suweldo, gagawin ka pang bala sa kanyon. Pati boots namin may aircondition dahil butas agad ang ilalim, helmet namin ay tatagusin ng tirador tapos gawin ka pang taga buhat ng pinamili ng kalukadidang ni general na ginagawang Quiapo ang Hongkong. Si General naman, golf sa umaga, sa hapon report lang sa Malacañang, ayos na.
Edna, 12, nagtitinda ng sampaguita at nag-aaral sa public school: lahat ng bintana ng kotse kinakatok ko na, lahat ng pakiusap ginagawa ko na pero hindi pa rin maubos ang sampaguita. Pambaon man lang sana. Pagpasok naman sa klase, hiraman kami ng libro at siksikan, 67 kasi kami sa klase. Baka tumigil na lang ako.
Arturo, isang empleyado: bilisan natin, pang hapon ako ngayon. Baka matangal pa tayo sa agency. Wala ng permanente sa amin, kada lima o anim na buwan alis kami sa trabaho at lilipat kami ng agency sa iba. Laki pa ng kaltas sa SSS, withholding tax at medicare. Pamasahe lang kulang pa.
Mang Joe, cigarette vendor: lahat na tinitinda ko. Dati yosi at candy lang. Ngayon kahit basahan basta pwede. Problema lang ay pagka pumara sa harap mo si Patrolman, arbor ng sigarilyo. Eh kung gusto pa ng kendi ni MMDA, bigay ka na naman.
Aling Linda, vendor: malapit na akong maging runner dahil ensayado ako sa mga bata ni Bayani Fernando na laging nanghahabol. Nanghihingi na, nangaagaw pa, hindi na nga namin malaman kung sino ang magnanakaw.
Teryo, caddy sa golf: maghapon ka naglalakad buhat ang mabibigat na pamalo ng mga heneral tapos pangit lang ang bubong namin diyan sa tabi ng South Expressway gigibain pa ng gobyerno dahil maganda raw dapat ang bayan sa paningin ng turista. Wala naman kami sa kalye at walang sagabal. Sa ilalim ng buwan tuloy natulog ang pamilya ko, nagkasakit pa ang isa sa anak ko.
Marami pa hong iba ang nandun, iisa ang angal - Ang pang-aabuso sa kanila, ang kahirapan ng buhay, ang totoong kalagayan ng sambayanan na ayaw tugunan ng ating mga lider na patuloy na bingi, bulag pero hindi pipi.