Kamakalawa ay isang eroplanong pambomba ng PAF ang bumagsak at namatay ang piloto nito. Hindi pa malaman ang dahilan ng pagbagsak pero marami ang naniniwalang masyadong luma na ang OV-10 Bronco ng PAF. Dapat na itong iga-rahe kagaya nang ginawa sa F-5 Freedom Fighter jets noong nakaraang taon. Sa pagbagsak ng isang OV-10 Bronco, anim na lamang ang natitirang panggiyera ng Pilipinas. Kapag may sumalakay sa bansa, baka kakarag-karag pa ang anim na natitirang fighter planes at hindi na maipagtanggol ang ating kalawakan.
Nagbuwis ng buhay si Air Force Capt. Aniano Amatong Jr. at itinuring pang bayani dahil sa nagawa pa nitong mailihis ang eroplano at naidayb sa palaisdaan sa Paombong, Bulacan. Kung hindi nailihis ang OV-10 tiyak na sa mga kabahayan ito bumagsak at marami ang namatay at nasirang mga bahay. Himalang nakaligtas ang kasamahang piloto ni Amatong na si Capt. James Acosta. Ayon sa PAF official, mahusay na piloto si Amatong. Nagtapos siya sa Philippine Military Academy.
Katulad nang iginaraheng panggiyerang eroplano noong nakaraang taon, dapat na rin marahil pag-isipang mabuti ng PAF kung aalisin na ang mga OV-10. Matagal na umanong ginagamit ng US ang mga eroplanong ito bago ipinagkaloob sa Pilipinas. Ibig sabihin gastadung-gastado na nila bago binitiwan.
Nagkakaroon ng hugis ang mga ibinulgar ni Daquil sa pangyayaring pagbagsak ng OV-10. May nangyayaring corruption at tila may katotohanang hanapin kung nasaan ang mga salaping maaaring ibili ng mga pandigmang eroplano. Bakit hindi bumili ng eroplano at ibasura na ang mga pupugak-pugak na "lumilipad na kabaong".
Hihintayin pa bang may bumagsak na eroplano ng PAF bago matauhan? Sobra na yan. Tama na ang isang Aniano Amatong na nagbuwis ng buhay.