Repasuhin natin ang mga numero. Panukala namin sa Con-Com na magkaroon ng representante sa Parliament bawat probinsiya, siyudad at distrito rin isa kada 250,000 populasyon. Sa kasalukuyang 84 milyong pambansang bilang (kasama ang 7.5 milyong OFWs at ang .5 milyong OFs), magkaka-humigit-kumulang 350 puwesto sa Parliament. Panukala rin namin na 30% ng mga puwesto o dagdag na 150 ay ilaan sa mga sektor: Manggagawa (kasama OFWs), magsasaka, katutubo, at iba pang idagdag ng Parliament (OFs, halimbawa). Kung masunod ang payo na bumuo ng isang partido para sa OFWs at OFs, makakapag-singit sila ng mga representante sa kabuuang 500 puwesto sa Parliament.
Maari nilang madomina ang Parliament. Paano? Pag-aralan ang ilan pang numero, May 40 milyong rehistradong botante. Sa sector voting, ipaparte ang 150 puwesto depende sa dami ng nakuhang boto ng partido. Kung magsanib-puwersa ang 7.5 milyong OFWs at .5 milyong OFs, may 8 milyong boto agad sila sa 40 mil-yong botante 20% ng 150 puwesto, o 30 representante. Kung bumoto pa ang asawa at tig-dalawang anak nila, times four agad: 80% ng puwesto o 120 representante.
Matatalinong representante ang pinagsamang 120 representante ng OFWs at OFs. Sila ang ating middle class. Maisusulong nila ang interes ng middle class ang uring nagpapabago ng pag-ikot ng mundo.
Isang siglo nang dominado ng elite families ang ating pulitika. Pero mahihikayat ng 120 OFWs at OFs sa Parliament ang 30 pang sectoral reps para magreporma. Isama pa natin ang ilang makalusot na repormista mula sa district voting. Magiging isang malaking bloke sila. Baka kalahati ng Parliament ay buoin ng mga makabagong politico na magsusulong ng kaunlaran ng bansa imbis na sarili.