Ito ay makaraang isinagawa ng BITAG at CIDG-Rizal ang isang operasyon sa sapilitang paniningil ng bente pesos sa mga pumapasadang fx sa Montalban ng walang anumang resolusyon o ordinansa mula sa Pamahalaang Bayan.
Malinaw na iligal ang ginagawang paniningil ng mga tauhan ni Mayor Cuerpo dahil sa kawalan ng anumang resolusyon at maging ang pinatutunguan ng mga nasingil mula sa mga driver ay walang makapagpaliwanag.
Hinintay din ng BITAG mula sa tanggapan ni Mayor Cuerpo at maging sa kaniyang mga tauhan ang anumang pahayag, subalit hindi na namin sila matagpuan, o baka naman nagtatago na.
Estilo na yata ni Mayor Pedro Cuerpo na magtago sa sandaling nahaharap na siya sa kahihiyan dahil sa kaniyang mga ginagawang kalokohan.
Wala rin anumang hakbang ang Pamahalaang Bayan ng Montalban sa mga tauhan ng Munisipyo na nahuli ng BITAG at CIDG-Rizal at hinayaan na lamang maditena at masampahan ng kasong Robbery Extortion.
Mga tauhan niya ang nagbabayad sa kaniyang mga kalokohan at sumusunod sa kaniyang mga iligal na utos, at sa bandang huli mga tauhan pa niya ang mapapahamak.
Dalawang beses ng nalantad sa BITAG Mayor Cuerpo ang iyong mga kalokohan. Hindi pa kami natatapos sayo. Patuloy ka pa rin naming babantayan.
Hanggat patuloy kaming nakakatanggap ng mga reklamo at sumbong ay hindi kami magsasawang tuldukan at dayuhin ka diyan sa lunggang iyong pinagtataguan.