Sa Ebanghelyo para sa araw na ito, makikita natin si Jesus na unti-unting pinagbabalakan na ng masama ng kanyang mga "kaaway". (Mark 3:1-6).
Muling pumasok si Jesus sa sinagoga, at naratnan niya roon ang isang lalaking paralisado ang isang kamay. Kayat binantayan si Jesus ng ilang taong naroon upang tingnan kung pagagalingin niya ang lalaking iyon sa Araw ng Pamamahinga, para may maiparatang sila sa kanya. Tinawag ni Jesus ang lalaking paralisado ang kamay: "Halika rito sa unahan!" Tinanong niya pagkatapos ang mga tao, "Alin ba ang ayon sa Kautusan: Ang gumawa ng mabuti o gumawa ng masama sa Araw ng Pamamahinga? Magligtas ng buhay o pumatay? Ngunit hindi sila sumagot. Habang tinitingnan ni Jesus ang mga taong nasa paligid niya, galit at lungkot ang nabadha sa kanyang mukha, dahil sa katigasan ng kanilang ulo. Bumaling siya sa lalaki at sinabi, "Iunat mo ang iyong kamay," Iniunat naman ng lalaki ang kanyang kamay at itoy gumaling. Umalis ang mga Pariseo at nakipagsabwatan sa mga kampon ni Herodes upang ipapatay si Jesus.
Alam ni Jesus na may mga taong hindi gusto ang kanyang ginagawa mga Judio na literal ang pagkaunawa sa Kautusan. Kung kayat sa kanyang pagpapagaling sa Araw ng Pamamahinga, inako ni Jesus ang responsibilidad na managot sa mga uusig sa kanya dahil sa kanyang ginawa.
Kaya ba nating panagutan ang misyong iniatang sa atin ni Jesus bilang mga tagasunod niya? Alam ba natin na may mga taong hindi natutuwa sa ating ginagawa, at sa ganoon ay maaari nating makabangga pagdating ng panahon?