Resibo ang mahalaga

NANG matuklasan ng mag-asawang Alfonso na nasakop at inokupahan ng mag-asawang Manalo ang 125 sq.m. na kaliwang bahagi ng kanilang lote sa Novaliches nang walang pahintulot at kaalaman nila, kinasuhan nila ito sa Regional Trial Court. Hiniling ng mga Alfonsos sa korte na lisanin at ibalik ng mga Manalos sa kanila ang bahaging nasakop. Subalit ang kaso ay nauwi sa isang Compromise Agreement (CA) na sinang-ayunan ng korte.

Ayon sa CA, pumayag ang mga Manalos na bilhin ang nasakop na 125 sq.m. na bahagi ng lote ng mga Manalos sa halagang P235,294.00. Nagkasundo ang mga par- tido na hulugan ang pagbabayad kung saan ang una ay sa halagang P44,117.65 kasabay ng pagpirma sa CA noong May 31, 1997; ikalawa ay noong May 31, 1997 sa halagang P44,117.65; P29,411.75 noong June 30, 1997; P58,823.50 noong July 31, 1997 at P58,823.50 noong August 31, 1997.

Samantala, nang hindi makapaghulog ang mga Manalos noong July 31 at August 31, 1997, naghain ang mga Alfonsos ng Motion for Execution ng CA. Sinalungat ito ng Manalos dahil nabayaran na raw nila ang kanilang obligasyon. Ipinakita ng Manalos ang Equitable Bank check sa halagang P100,000 na inisyu ng isang Carla Reyes pabor sa Alfonsos na may petsang September 23, 1994 o tatlong taon bago mapirmahan ang CA bilang bayad sa unang hulog na P44,117.65 ng May 7, 1997. Nabayaran na rin daw ang ikalawang hulog dahil bilang pruweba nito ang tsekeng inisyu muli ni Carla Reyes pabor sa Alfonsos sa halagang P150,000 noong Abril 30, 1997. Katibayan daw ang isang voucher na nagsasabing ang tsekeng inisyu ay para sa bahagi ng hulugan o ng paunang hulog sa napagkasunduan sa CA sa pagitan ng mag-asawang Lazaros, Santos at Manalos. Ilang voucher pa ang ipinakita ng mga Manalos upang patunayan na ang mga tsekeng inisyu ni Carla Reyes na may malalaking halaga at petsa kaiba sa nakasaad sa CA ay sapat nang ebidensiya na nabayaran na nga nila ang kanilang obligasyon. Tama ba ang mga Manalos?

MALI.
Hindi napatunayan ng mga Manalos na nabayaran nila ang obligasyon. Ang pinaka-pruweba ng pagbabayad ay resibo at hindi voucher. Ang voucher ay ginagamit sa pagrerekord ng transaksiyon sa negosyo at hindi ebidensiya ng pagbabayad. Kinakailangan kalakip ng voucher ang resibo ng ibinayad na pera sa tsekeng napalitan na ng pera. Sa kasong ito, hindi napatunayan na ang tsekeng ibinayad sa Alfonsos ay napapalitan na nga ng pera.

Bukod dito, hindi rin napatunayan na ang mga tsekeng ibinayad ay para sa mga Alfonsos dahil taliwas ang halaga at petsa sa naitakda sa CA. Hindi rin naipaliwanag ang katauhan at relasyon ni Carla Reyes sa mga Manalos. At dahil hindi naipakita ng mga Manalos na natanggap at kinilala ng mga Alfonsos na kumpeto na nilang nabayaran ang obligasyon, kinakailangan pa rin nilang magpatuloy sa paghuhulog ng bayad (Alonzo vs. San Juan, G.R. 137549, Feb-ruary 11, 2005, 451 SCRA 45).

Show comments