^

PSN Opinyon

‘PO1 Daniel Nadurata, duwag na pulis…’

CALVENTO FILES - Tony Calvento -
ISANG baguhang pulis ang di-umano’y namaril hanggang mapatay ang isang lalake dahil lamang sa pagtanggi ng inumin ang alak na kanyang itinagay.

Anong klaseng pulis ba ’yan, ayaw lang uminom ng biktima, babarilin na agad ito. May sayad yata ito o pumasok na ang demonyo sa espiritu ng alak na kanyang nainom. Ganito na ba kadaling kumitil ng buhay?

Dumulog sa aming tanggapan si Geraldine Torres ng Tondo, Manila upang humingi ng tulong hinggil sa pagkakapaslang ng kanyang kapatid na si Eugene, 26 taong gulang.

Nakatakda na sanang ikasal ang biktima kay Wilma Bansale subalit hindi na matutupad ang pangarap nilang bumuo ng isang masayang pamilya dahil sa pagkamatay nito. Ang suspek sa pamamaril ay kinilalang si PO1 Daniel Nadurata. Ayon sa pamilya ng biktima, kilalang mayabang ang pulis na ito sa kanilang lugar. Madaldal sa tuwing ito’y malalasing.

"Gusto niya na pinangingilagan siya ng buong kapitbahay dahil sa isa siyang pulis. Mataas ang tingin sa sarili pero wala namang nagtangkang bastusin at patulan siya dahil alam sa lugar namin na iba ang ugali niya," kuwento ni Geraldine.


Ika-12 ng Oktubre 2005 bandang alas-8:20 ng umaga sa Kagitingan corner Padre Rada Sts., Tondo, Manila nang maganap ang insidente. Magdamag nang nakikipag-inuman ang suspek hanggang sa inumaga na ito, hindi pa rin natatapos.

Unang dumaan ang asawa ni Geraldine, si Christopher sa umpukan ng mga nag-iinuman. Pinapatagay umano ng suspek si Christopher subalit tumanggi naman ito.

"Sumunod na dumaan ang kapatid kong si Eugene. Pinapatagay din siya ni PO1 Nadurata pero sumenyas lang siya na kakain muna daw siya," sabi ni Geraldine.


Matapos na muling tanggihan ang paanyaya nagsalita umano ang suspek na, ‘Dapat siguro ay naka-uniform para kilalaning pulis.’ Noong araw na ‘yon ay hindi nakasuot ng uniporme ang suspek. Samantala magkatapat lamang ang bahay ng mga Toress at Nadurata kaya kitang-kita ng pamilya ng biktima ang mga nag-iinuman.

"Nang tumanggi si Eugene sa pagtagay, nakita at napansin kong masama na ang titig niya sa kapatid ko. Hindi na lang din pinansin ni Wilma ang sinabi ni PO1 Nadurata," sabi ni Geraldine.


Bandang alas-8 ng umaga nang magpaalam na si PO1 Nadurata sa kanyang mga kainuman. Niligpit na umano nito ang mga bote ng alak at mga kalat mula sa pinag-inuman ng mga ito.

"Hindi namin akalain na matapos ligpitan ni PO1 Nadurata ay aabangan pala nito ang kapatid ko," kuwento ni Geraldine.


Samantala galing naman si Geraldine sa bahay ng kapatid nitong si Michaela. Kitang-kita umano nito nang salubungin ng suspek ang biktima. Walang sabi-sabi nitong pinaputukan ng baril si Eugene.

"Magkaharap na silang dalawa at pagkatapos ay itinutok ni PO1 Nadurata aang baril niya kay Eugene. Dalawang beses niyang binaril ang kapatid ko. At nang mapahiga na ito sa tapat ng tindahan ni Aling Flor, ang Ocampo’s store binaril pa niya ito ng isang beses," salaysay ni Geraldine.


Itinaas na umano ni Eugene ang mga kamay na nagmamakaawa ito subalit muling pinaputukan ang biktima. Pagkatapos nito’y naglakad ang suspek papalabas sa Zaragoza St. na parang walang nangyari. Samantala ay agad namang dinala sa Gat. Andres Hospital subalit hindi na rin ito umabot pang buhay.

"Marami ang nakakita sa pangyayari subalit ayaw naman nilang magbigay ng pahayag sa takot na baka balikan sila ng suspek," sabi ni Geraldine.


Inireport ng pamilya ang insidente sa himpilan ng pulisya. Ayon sa pamilya ng biktima sumuko umano ito sa kanyang team leader ng National Anti-Colorum Strategy na si P/C Insp. Richard B. Madlangbayan. Pinabulaanan ni PO1 Nadurata ang akusasyon laban sa kanya.

"Ang sabi niya ay inagawan siya ng baril ng kapatid ko kaya niya ito binaril. Walang katotohanan ang sinabi niya dahil talagang inabangan niya si Eugene dahil lamang sa tumanggi siyang tumagay," pahayag ni Geraldine.


Nagsampa ng kasong murder ang pamilya ni Eugene laban kay PO1 Nadurata. Nagfile din sila ng administrative case dito. Maging si P/C Insp. Madlangbayan patay dawit din matapos umano nitong pakawalan ang suspek.

"Hindi na nagpakita pa sa aming lugar si PO1 Nadurata at ang pamilya nito ay kasama ring nagtago," sabi ni Geraldine.


Nagkaroon ng preliminary investigation sa kasong ito subalit hindi naman dumadalo ang suspek. Si Prosecutor Jessica Junsay-Ong ang may hawak ng kaso.

Kamakailan lamang ay nakatanggap ang pamilya Torres ng motion to reopen preliminary investigation mula sa kampo ni PO1 Nadurata.

"Masamang-masama ang loob ng nanay ko nang makatanggap kami ng motion ni PO1 Nadurata. Ang sabi nila kaya raw hindi nakakadalo ang suspek sa preliminary investigation ay dahil may inasikaso sa probinsya. Malamang ay gusto nilang patagalin ang kasong ito," paliwanag ni Geraldine.


Hangad ng pamilya Torres na mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ni Eugene. Umaasa silang magiging mabilis ang pag-usad ng kaso nang sa gayon ay pagbayaran ni PO1 Daniel Nadurata ang ginawa nito.

Bakit ang mga taong inaasahan nating poprotekta sa ating mga mamamayan laban sa krimen at ipagtatanggol ang taong bayan laban sa masasamang elemento ng lipunan sila pa ngayon ang gumagawa ng krimen.

Duwag ka P01 RODEL NADURATA dahil walang laban ang pinatay mong tao tapos magtatago ka na parang walang bayag.

Para sa lahat ng biktima ng karahasan, krimen at mga legal problems, maaari kayong tumawag sa 6387285 o ’di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong mag-text sa 09213263166 o 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

NAIS kong batiin si Evelyn "Len-len" Padilla ng Tanaun, Batangas pati na rin ang kanyang pamilya. Kamusta kayong mga taga Tanaun….Mabuhay kayong lahat.

C INSP

EUGENE

GERALDINE

NADURATA

PAMILYA

PO1

SUSPEK

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with