Ang board of directors ng PHC sa pamumuno ng presidenteng si Manuel Nieto ay ni hindi nagpatawag ng stockholders meeting (na required ng batas) noong Mayo 2005. Wala nang matakbuhan ang mga stockholders kaya nagpapasaklolo sa Securities and Exchange Commission.
Bilang ahensya ng pamahalaan, ang SEC ay may pananagutang umasiste sa mga stockholders lalo na yung mga maliliit na kasosyo. Isa pa, ang PHC ay isang publicly listed corporation na obligadong ipaalam sa mga kasosyo ang estado ng kanilang puhunan.
Ang PHC ay dating Liberty Mines Inc. hanggang sa makuha ng Philippine Communications Satellite Corp. (PHC) ang 81 porsyentong equity nito noong 1996 at pinalitan ang pangalan. Sana, tugunin naman ng SEC ang panawagan at daing ng mga stockholders na ito. Isa pa, ang naturang korporasyon ay may sosyo rin ang pamahalaan at dapat lang alagaan ang interes ng gobyerno.
Dalawa sa mga stockholders ang pormal nang sumulat sa SEC kaugnay ng problemang ito. Ang mga ito ay sina Victor Africa at Jose Ozamiz. Si Africa ay presidente rin ng Philcomsat. Base sa reklamo ni Africa, ang mga opisyal ng board ng PHC ay "kapit-tuko" sa position nila bagamat walang mandate simula pa noong Mayo 2005. Iyan ang petsang itinatakda ng charter ng korporasyon para sa pagdaraos ng stockholders meeting. Ang pulong na ito ay isang pagkakataon din para maghalal ng mga bagong opisyales ng board ang mga stockholders.
Bilang mamumuhunan, may karapatan si Africa na siyasatin ang kalagayan ng kanyang pera pero tumanggi ang pamunuan ng PHC na buksan ang libro nito. Natuklasan pa sa report sa SEC ng PHC ang mga dambuhalang gastusin nito na kuwestyonable at naging dahilan ng halatang pagkalugi ng kompanya. Bago mahuli ang lahat, dapat nang kumilos ang SEC sa problemang ito.