Pabaya tayo sa tubig. Anang World Wildlife Fund-Phils., umuubos tayo ng 4,700 litro para umani ng 1 kilong palay.
Akala siguro natin hindi mangyayari sa Pilipinas ang water rioting sa Bolivia nung 2000. Pero mas malala na pala tayo, ayon sa Philippine Human Development Report 2005. Isa pala sa masidhing sanhi ng rebelyong komunista at Moro, bukod sa kawalan ng edukasyon at katarungan, ay ang kakapusan ng tubig.
Dineklarang prioridad ng gobyerno ang tubig sa lahat ng barangay. Pero kulang ang pondo dahil kalaban nito ang pagkain, gamot, kuryente, kalsada at paaralan para sa baryo. Samantala, lumalaki ang populasyon nang 2.3% kada taon. Nilista tayo ng World Health Organization kasama ng mahihirap na bansa kung saan 4,000 sanggol ang namamatay araw-araw sa sakit dulot ng maruming tubig.
Bahagi ang Pilipinas ng 2002 Johannesburg Summit, kung saan pinasyang kalahatiin ang sa 2015 ang dami ng tao na walang tubig. Pero hayan, baha sa atin kalahati ng taon at tuyot sa kalahati, pero wala tayong ginagawa para maitabi ang tubig.
Anong pakialam natin dito? Malaki dahil ang tubig ang sanhi ng buhay sa mundo. Lahat tayoy nakasalalay sa tubig. Biruin mo, 70% tubig ang katawan ng tao. Nauuhaw na tayo kapag nabawasan ang tubig sa katawan nang 1%, at maari mamatay kung ang bawas ay 10%. Hanggang 10 araw lang tatagal ang tao na walang tubig. Walong basong tubig araw-araw, kayang gamutin ang back at joint pains; limang baso lang, kayang awatin ang breast at bladder cancer.
Higit sa lahat, 75% ng utak ng tao ay tubig. Katambal ng hangin, ang tubig na ito ang nagpapagana sa 100 bilyon brain cells, kaya tayo nakaka-isip. Isipin natin kung paano magtipid ng tubig.