Kakatwa ang gobyernong ito na kahit ang mga sundalong nagtatanggol sa Inambayan ay kailangan pang mamalimos para sa kanilang food allowance.
Kakatwa rin naman sapagkat habang namamalimos ang mga sundalo para sa kanilang karagdagang allowance, marami rin namang opisyal ng AFP ang nananagana at walang kabusugan sa pagkulimbat ng pera.
Matagal na ang hinihiling na dagdag sa food allowance ng mga sundalo pero sarado ang taynga ng mga namumuno sa bansang ito. Hindi nila nalalaman ang kahalagahan ng mga taong nagpoprotekta para makamit ang kalayaan.
At kung si Sen. Rodolfo Biazon ang tatanungin hinggil sa kahilingan ng mga sundalo, payag siyang doblehin ang P60 na tinatanggap ng mga sundalo sa kanilang allowance. At bilang patunay, sinabi ni Biazon na nag-file na silang dalawa ni Sen. Panfilo Lacson ng Senate Resolution na magtataas ng allowance. Mula sa P60 ay gagawing P120 bawat araw ang allowance.
Para mapatibay ang pagsusulong ni Biazon sa pagbibigay ng karagdagang food allowance, sinabihan niya ang Malacañang na ipagkaloob ang portion ng umanoy savings na P35 billion para sa kapakanan ng mga sundalong kulang ang pambili ng pagkain.
Nagpapakamatay sa paglaban para maipagtanggol ang Inambayan at nararapat lamang na pagkalooban ng karagdagang food allowance ang mga sundalo. Kung ang gobyerno ay may nailaan para sa mga mahihirap na mamamayan para pambili ng noodles at bigas, paano naman ang mga sundalo.
Huwag balewalain ang kahilingan ng mga sundalo para sa kanilang food allowance. Mas nararapat silang bigyang-pansin kaysa sa mga opisyal ng AFP na walang taros kung mangurakot sa kabang yaman. Isang halimbawa si Gen. Carlos Garcia na halos simutin ang kayamanan ng AFP. Maraming pera, sasakyan at bahay si Garcia gayong maliit lamang ang suweldo bilang comptroller.
Mas mabuti ang mga sundalong nagpapatulo ng pawis kaysa mga opisyal na ganid.