Sa tingin ko, ang ganyang panukala ay isang hantarang pag-atake sa Korte Suprema at Sandiganbayan. Ang Korte Suprema ang siyang nagbibigay ng pinal na desisyon sa ano mang usaping kinapapalooban ng interes ng bansa. Binubuo ito ng mga matatalino at piling-piling mahistrado na nagsasagawa muna ng metikuloso at masusing pag-aaral bago magbitiw ng desisyon.
Sa resolusyon ni Agarao, parang tinawag niyang palpak ang desisyon ng Korte Suprema sa pagkilala sa desisyon ng Sandiganbayan tungkol sa POTC shares. Bilang background, ang naturang shares na dating pag-aari ng Marcos crony na si Jose Y. Campos ay ibinigay sa pamahalaan kapalit ng immunity from suit ng huli.
Lumutang ang isang Illusorio na nagsabing orihinal niyang pag-aari ang mga naturang shares na sapilitan umanong inagaw sa kanya ng mga Marcos nang ang mga itoy nasa kapangyarihan pa. Nagkaroon ng legal battle sa pagitan ni Illusorio, pamahalaan at ng Presidential Commission on Good Governments (PCGG). Kalaunan, nagkasundo sila to settle the matter amicably. Nagkaroon ng compromise agreement at napunta sa gobyerno ang 4,727 shares. Katumbas iyan ng 25 porsyentong pagmamay-ari sa POTC at ang subsidiary nitong Philcomsat. May pormal nang desisyon ang Sandiganbayan tungkol dito na kinatigan ng Mataas na Hukuman.
Ngayoy kinukuwestyon ito ni Agarao. Lugi raw sa kasunduan ang pamahalaan. Iyan ang gusto niyang masiyasat ng Kongreso "in aid of legislation" kuno.
Alegasyon ni Agarao na nagkaroon ng large scale bribery para mapunta kay Illusorio ang 673 shares. Hindi yata kapanipaniwalang magkakaroon ng milyun-milyng pisong suhulan para lamang sa 6 porsyento ng 40 porsyentong sharegoldings. Naniniwala ako na masusing nakilatis iyan ng ating Mataas na Hukuman at hindi dapat saklawan ang desisyon nito.
Kung ano ang motibasyon ni Agarao para siyasatin ang usaping ito ay siya lamang ang nakakaalam.