Marami ang nagpatunay na talagang mapaghimala ang Nazareno. Isa si Vice President Noli de Castro na mula pa noon hanggang sa marating niya ang kasalukuyang estado niya sa buhay ay deboto na ng Nazareno.
Si Mayor Lito Atienza ng Maynila ay isa rin sa masugid na sumasampalataya sa Black Nazarene. Inamin ng mayor na ang Nazareno ang kanyang naging gabay lalo na ng pumalaot siya sa pulitika.
Isang kaibigan ko ang nagpatutoo sa himala ng mahal na Nazareno. Agaw-buhay ang kanilang tatlong-taong gulang na anak. Nagkukumbulsyon ito. Tinanggihan na ng doktor kaya sa labis na kapighatian at dala na rin ng maalab na pananampalataya ay dali-dali nilang dinala ang anak sa Quiapo at taimtim silang nanalangin. Napuna ng ina na dumilat ang anak at humingi ng dede at agad niyang pinasuso. Pinagpawisan ang bata at nawala ang lagnat at lumakad siya sa may altar na ngumingiti na animoy nakikipaglaro siya sa mga anghel sa simbahan.
Naging panata ng mag-asawa na tuwing pista ng Nazareno ay magsisimba sila, umiilaw at sumasama sa prusisyon at walang patid ang pasasalamat nila sa Nazareno.