Ang isa sa mga inireklamo ng mga aplikante sa abroad ay ang Emevill Manpower Services na may opisina sa Zeta Bldg., Salcedo Village sa Makati City. Halos 300 na raw ang nabiktima ng opisina na ito, karamihan sa kanila ay taga-Naic, Cavite at Angono. Rizal. Ayon sa lumapit sa akin, apat na buwan na silang pinangakuan ng kausap nilang si Ana Santos ng Emevill para sa trabaho bilang factory worker sa Korea subalit palaging napapako. Maraming dahilan si Santos at dahil nararamdaman na ng mga aplikante na hindi niya tutuparin ang pangako sa kanila, gusto na nilang bawiin ang perang iniabot nila sa kanya. Ang huling isinagot sa kanila ni Santos ay nasa Singapore pa ang may-ari ng Emevill na si Beverly Tuazon. Ang mga makukulit naman na aplikante ay naisyuhan ni Santos ng tseke subalit tulad ng inaasahan, talbog ito pagdating sa banko dahil sa kawalan ng pondo. O maliwanag na nanggagantso lang si Santos pero sino ang huhuli sa kanya kung nabuwag na itong tropa ni Jaylo?
Karamihan sa aplikante sa Emevill ay nagbigay na ng P150,000 para raw ma-process ang kani-kanilang mga papeles. Para nga makapag-abroad, nagsangla ng lupain ang mga magulang ng mga aplikante sa probinsiya dahil wala naman silang naitabing pera. Subalit ang mga magagandang pangarap ng mga aplicante ay nawalang parang bula dahil sa mukhang hindi naman interesado si Santos na paalisin sila. Sa ngayon, hilung-talilong ang mga aplikante. Hindi nila alam kung ano ang gagawin nila para mabawi ang kanilang pera. Sinubukan nilang magsampa ng reklamo sa malapit na presinto ng pulisya sa Salcedo Village nga sa Makati pero tinanggihan sila. Bakit? Nakapatong kaya ang Makati City police sa Emevill Manpower Services? Tanong lang po!
Noon kasing kapanahunan ni Jaylo, mabilis ang pagsagawa ng raid sa mga ganitong opisina ng illegal recruiter. Subalit mukhang lumampas ang ilang tauhan ni Jaylo sa kanilang mandate kayat hayan, pati ang hepe nila ay nadamay sa kaso. Ngayon, habang nananagana ang mga illegal recruiter, sino pa ang kanilang lalapitan dahil wala na nga ang opisina ni Jaylo? Abangan!