Karamihan ng tahanan ay gumagamit ng liquefied petroleum gas (LPG). Kung mayroon mang hindi gumagamit ng LPG iyon ay ang mga taong sagad na ang kahirapan sa buhay. Nagtitiis na lamang sila sa kahoy o uling sapagkat walang ibibili ng LPG.
Noong Martes, tumaas na naman ng P2 ang bawat kilogram ng LPG.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa P530 ang bawat cylinder ng LPG na 11 kilograms. Sa bagong pagtataas ng presyo ng LPG, tiyak na panibagong paghihigpit na naman ng sinturon ang gagawin ng mamamayan. Aaray na naman ang mga misis sapagkat ang kinikita ng kanilang mga mister ay sa LPG lamang mapupunta.
Sabi ni Energy Sec. Raphael Lotilla, gagawa siya ng hakbang para mairolbak ang presyo ng LPG. Ang pahayag ni Lotilla ay ginawa ilang oras makaraang magtaas ng P2 ang LPG. Magpapalabas umano ng Administrative Order si Lotilla para sa mungkahing rollback. Pero habang sinusulat ang editoryal na ito, wala pang ginagawang aksiyon si Lotilla. Biro lang kaya niya ang sinabing aaksiyunan niya ang walang permisong pagtataas ng LPG?
Sabi ni Lotilla, hindi raw dumaan sa proseso ang pagtataas ng LPG. Hindi raw inabisuhan ang Energy department. Ibig kayang sabihin ni Lotilla, ang mga nakaraang pagtataas ng LPG ay baka hindi rin dumaan sa tamang proseso. Napaglalangan ang DOE o sadyang hinayaan? Hindi mahirap isipin ang ganito sapagkat sa mga nakaraan ang Energy department pa ang nagsisilbing tagapagsalita ng tatlong dambuhalanng kompanya ng langis. Sa halip na ang asikasuhin ay kung paano mapoproteksiyunan ang consumers, ipinagtatanggol pa ang tatlong dambuhala.
Nararapat na umaksiyon si Lotilla sa rolbak ng LPG. Hindi dapat pagdusahin ang taumbayan na sagad na sa kahirapan. Kung nairorolbak ang gasolina at diesel, bakit hindi ang LPG na halos lahat ng mamamayan ay gumagamit.
Tuparin sana ni Secretary Lotilla ang kanyang sinabi. Ipakita na mayroon siyang isang salita.