Bangag sila sa rugby kaya nagawa ang ganoong karumal-dumal na krimen. Ang solvent na ginagamit na pandikit matapos langhapin ay nagdulot sa pagkapraning ng tatlong lalaki. Masama na ang nangyayaring ito sa lipunan. Pinuproblema na ang shabu, marijuana at mga cough syrup na pampabangag at heto ngayon at mas matindi ang tama ng rugby na nagawang gahasain at pagsasaksakin ang inosenteng bata.
Nagkakatulad na ang shabu at rugby sa laki ng pinsalang nagagawa sa kukote. At maaaring higitan pa ang nagagawa ng shabu sapagkat madaling bilhin ang solvent. Bukod sa madaling bilihin ay napakamura pa. Simpleng gamitin na hindi katulad ng shabu na kailangan pa ng tooter o ng kung anu-anong paraphernalia. Kapag nakabili ng rugby sa hardware store o sa karaniwang tindahan, ipapahid lamang ang kapirangot na rugby sa loob ng plastic at maaari nang singhutin. Ganoon lamang kasimple at ilang saglit lamang ay bangag na. Umiikot na ang mundo at nakalilimutan na ang lahat.
Ipagbawal ang rugby! Ito lamang ang tanging paraan para mapigilan ang pagka-addict sa solvent na ito. Kung hindi gagawa ng paraan ang pamahalaan sa problemang ito sa rugby, marami pa ang mabibiktima ng mga rugby boys o rugby girls.
Nagkalat na ang mga rugby boys/girls sa Metro Manila at tila hindi ito napapansin ng mga pinuno ng bayan, kapulisan o ng Department of Social Welfare and Development. Maraming mga batang rugby sa likod ng Isetann Carriedo, Manila; sa kanto ng Doroteo Jose St., Manila; Cubao QC at Taft Avenue, Pasay City.