Ang nakamamangha ay ang Armed Forces of the Philippines na ngayon ay nakikipagsabayan na rin sa pagiging corrupt. Imagine, habang maraming sundalo ang kukulo-kulo ang tiyan dahil napakaliit ng suweldo at hindi mabigyan ng ganap na sustento para sa kanilang rice supply, bulok ang mga combat shoes, punit-punit na uniporme, marami palang opisyal ng sandatahang lakas ang nagpapasarap at nagpapakabundat.
Unang sumingaw si dating AFP general at comptroller Carlos Garcia na "naghahakot" ng dollar sa US katulong ang kanyang asawa at anak. Nabulgar ang anomalya ni Garcia nang mabuking ng US authorities ang kanyang anak na may dalang libong dolyares sa Los Angeles airport noong 2004. Sabi ng asawa ni Garcia, regalo ang mga iyon. Doon na nagsimula ang pagsingaw ng baho. Lumutang ang maraming ari-arian, sasakyan, mansiyon hindi lamang sa Pilipinas kundi sa US man. Kasalukuyang nakapiit si Garcia. Bukod kay Garcia, iniimbestigahan din ang comptroller na pumalit kay Garcia. Limpak na pera rin ang sangkot sa anomalya.
Hindi pa natatapos ang kaso ni Garcia, lumutang naman si Air Force Col. Efren Daquil noong Lunes at ibinulgar ang katiwalian doon. Sinabi niyang ang mga PAF officers ay ilegal na tumatanggap ng P45,000 ng monthly allowances. Pinagpapali- wanag din niya si Air Force commanding general Lt. Gen. Jose Reyes kung paano nagasta ang P30 million savings noong 2004 na siya (Daquil) pa ang personnel office chief.
Ang pagbubulgar ni Daquil ay tamang-tama naman sa mga umuugong na balita ng kudeta at ang umanoy pagsasanib ng puwersa nina dating President Cory, FVR at Erap. Sabi ng mga opisyal ng PAF, maaaring ginagamit si Daquil ng mga taong gustong pabagsakin ang gobyerno. Nagtataka sila kung bakit ngayon lamang nagsalita si Daquil.
Hindi dapat ipagwalambahala ang ibinulgar ni Daquil. Dapat itong imbestigahan para malaman ang katotohanan. Ngayong "inaanay" sa corruption ang AFP, dapat bigyang pansin ang exposé ni Daquil.