Ngayong 2006, malaki ang pag-asa na makakahinga tayo ng mas maluwag. Bakit? Dahil magiging mas malinis na ang ating hangin.
Inaasahan na mapagkakasunduan na sa Senado ang panukalang batas na magtatakda ng malawakang paggamit ng coco-biodiesel. May kanya-kanyang panukalang batas tungkol dito sina Senador Pia Cayetano, Edgardo Angara, Miriam Defensor-Santiago at Ralph Recto.
May pagkakaiba man sa mga panukalang batas na ito, iisa lamang ang kanilang layunin: ang linisin ang ating hangin upang mapangalagaan ang kalusugan ng lahat. Ayon kasi sa isang pag-aaral ng World Bank, US$400 million (mahigit P20 bilyon) ang ginugugol sa Pilipinas bawat taon upang gamutin ang mga karamdamang nauugnay sa maruming hangin, lalo na ang cancer, tuberculosis, pneumonia at mga upper respiratory tract infections. Ang pera na nagugugol sana para sa pagkain, edukasyon, pabahay o mga kalsada ay napupunta na lamang sa mga gamot.
Ipinapanukala ang paghalo ng coco-diesel sa mga diesel at gasolina na ginagamit ng mga sasakyan. Sinasabing mababawasan nito ng 80 porsiyento ang carbon dioxide na ibinubuga ng mga sasakyan, at lubusang inaalis ang sulfur oxide.
Ang coco-diesel o coconut methylester ay isang uri ng biofuel. Isa pang uri ay ang ethanol na hango naman sa tubo (sugarcane).
Kapag naisabatas na ang sapilitang paggamit ng biofuels o ang paghalo nito sa mga diesel at gasolina na ipinagbibili sa mga gasolinahan, ang biyaya ay hindi lamang sa paglinis ng hangin para sa ating kalusugan. Mabibiyayaan din ang mga industriya ng pagniniyog at pagtutubo. Malawak ang ating mga niyugan. Sa mga tubuhan naman, sinasabi ni Donald Dee, pangulo ng Philippine Chamber of Commerce and Industry, na kakailanganin pa na pagsanibin ang ani mula sa 1,000-3,000 na ektarya, upang maging episyente ang produksiyon ng ethanol.
Kapag may kaukulang batas na, tiyak namang kikilos ang mga mamumuhunan upang maisaayos ang mga sektor ng pagniniyog at pagtutubo. Noon pa nga sana natin naisagawa ang mga ito. Sana, ngayon pa lamang, masarap nang langhapin ang ating hangin sa kalunsuran.