Ngayong 2006 nararamdaman kong katulad din ito ng 2005. Mananaig na naman ang paghihirap na matagal nang nararanasan ng nakararaming Pinoy. Ganito nang ganito ang nangyayari sa mga Pinoy na nawawalan na ng pag-asa na magbabago pa ang kanilang buhay.
Ginagamit lamang ng mga pulitiko ang taumbayan. Obserbahan kung paano nabubuhay ang mga opisyal ng gobyerno. Nakatira sa malapalasyong tirahan, may mga magagandang sasakyan.
Huwag nang magbulag-bulagan. Niloloko tayo ng karamihan sa mga pinagkakatiwalaang opisyal ng pamahalaan. Ngunit wala tayong ginagawa upang supilin ang kanilang mga pagmamalabis. Nagwawalang-bahala na lamang tayo. Bale pa, baka ang karamihan sa atin ang naghalal.
Simula ng Bagong Taon. Nasa atin ang desisyon kung ano ang gusto nating mangyari sa Pilipinas. Kung gusto nating magbago ang bansa, kailangang magsumikap. Ipahayag ang ating gusto.