Hindi lamang mga journalists ang pinapatay ngayon kundi pati na rin mga judges. Parang mga manok ding itinutumba ang mga judges at malamang na wala ring kapuntahan ang pag-iimbestiga sa pagpatay sa kanila kahit na sabihing judge pa sila. Ganyan kabagal ang hustisya sa bansang ito at kung ang mga journalists at judges ay hindi kaagad makakamit ng katarungan, paano pa ang mga karaniwang tao.
Bago matapos ang 2005, isang judge na naman ang binaril at napatay na parang manok. Tinambangan si Pasay City Regional Trial Court Judge Henrick Gingoyon, 53, sa Barangay Molino, Bacoor, Cavite noong Sabado ng hapon. Dalawang lalaking naka-motorsiklo ang biglang lumitaw at binaril si Gingoyon. Galing si Gingoyon sa gym at pauwi na sa kanilang bahay nang maganap ang pamamaslang.
Kilalang abogado si Gingoyon bago naging judge. Isa siyang human rights lawyer. Naging kontrobersiyal ang kanyang pangalan nang ipag-utos niya sa gobyerno na bayaran ng P3 billion ang Philippine International Air Terminal Co. (PIATCO) bilang compensation sa construction ng Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.
Marami nang nagbanta sa buhay ni Gingoyon. Pinaulanan ng bala ang kanyang bahay noong nakaraang taon. Sa pag-iimbestiga, isang pulis ang suspect sa pamamaril sa bahay ng judge. Ang pulis na iyon ang pinagsususpetsahan ng mga imbestigador na may kinalaman sa pagpatay kay Gingoyon.
Marami pang pinaghihinalaan ang mga awtoridad sa pagpatay kay Gingoyon. Ang tanong ay magkaroon kaya nang maagang hustisya ang mga naulila ni Gingoyon. Maging maamo kaya ang justice sa isang judge? Mahirap masagot ang mga katanungang iyan.
Noong nakaraang taon, binansagan ang Pilipinas na "pinaka-murderous" na lugar para sa mga journalists. Nakakahiya ang ganitong bansag. Nararapat na mabura sa isipan ang ganitong kasamang tawag sa Pilipinas. At mawawala lamang marahil iyan kung magkakaroon ng dibdibang pagtrabaho ang mga awtoridad para malutas ang mga kaso ng pagpatay hindi lamang sa mga journalists, judges at marami pang iba.