EDITORYAL – Salubungin ang 2006 na buo ang mga daliri

HINDI magiging kumpleto ang Bagong Taon kung walang paputok. At natural na hindi rin kumpleto kung walang masusugatan, mabubulag o mapuputulan ng daliri o ang mas malagim, nagbuwis ng buhay dahil may nakatalo dahil sa pagpapaputok.

Karaniwan na ang ganyan sa Pilipinas kung magpapalit ang taon at hindi na marahil mawawala ang tradisyon. Sa kabila na may kampanya ang pamahalaan laban sa mga paputok, marami pa rin ang nadidisgrasya. Marami ang hindi nadadala sa kabila na marami na ang nabulag at naputulan ng daliri o nagbuwis ng buhay.

Noong nakaraang taon, marami ang naiulat na naputulan ng daliri at nabulag dahil sa pagpapaputok at ngayong gabi, maaaring mas marami pa ang masugatan at maputulan ng daliri. Nakapangangamba rin naman na may mga magpapaputok ng baril sa kabila na may kampanya ang Philippine National Police at ang Armed Forces of the Philippines. Sabi ng PNP at AFP magsasanib sila ng puwersa para magpatrulya at nang masakote ang mga magpapaputok ng baril. Ang kanilang plano ay kapuri-puri at dapat suportahan.

Hindi mapipigilan ang mamamayan sa pagdiriwang ng Bagong Taon at lalo rin namang hindi mapipigilan ang pagbili ng mga paputok na mahihina ang klase o walang kalidad. Kahit na mahirap ang buhay, marami pa rin ang bumibili ng paputok, gaya ng judas belt, sawa, at kung anu-ano pang pampasabog, Hindi nga kumpleto ang Bagong Taon kung walang paputok. Hindi magiging masaya kung walang ingay. At sa tindi ng pagdiriwang hindi na nila nabibigyang-halaga ang kaligtasan. Wala nang pag-iingat sa sarili ang mga nagsisipagsaya at bara-bara na ang pagpapaputok. Wala nang halaga kahit mabulag o maputulan ng daliri.

Mas masarap salubungin ang Bagong Taon kung buo ang katawan kaya nararapat doblehin ang pag-iingat. Maging alerto naman sa mga magpapaputok ng baril. Huwag hayaang may mabiktima ang mga may "makakating daliri" sa gatilyo. Isuplong sila at nang maparusahan. Hindi na dapat maulit ang kanilang masamang gawain na para lamang makapagyabang ay magpapaputok ng baril.

Show comments