^

PSN Opinyon

Maikumpas kaya ni Marikina Mayor Fernando ang kamay na bakal kay Jess?

BANAT NI BATUIGAS - Bening Batuigas -
PAPALAKPAKAN ko na sana si Marikina City Mayor Maria Lourdes Fernando bunga sa pagsara ng peryahan sa Barangay Parang subalit naudlot ang aking plano. Kasi nga, ilang araw bago mag-Pasko nagbukas ang naturang peryahan at sa kasalukuyan dinudumog ito ng tao. Ayon sa balitang nakarating sa akin, kung noon ay aabot sa anim na lamesa ang color at number games sa peryahan na matatagpuan sa Molina St., ilang hakbang lang sa barangay hall ni chairwoman Binky Favis, sa ngayon aabot 15 lamesa na ang pasugalan doon. Siyempre pa, nagbubulag-bulagan lang si Sr. Insp. Briones, ang PCP commander, sa nangyayaring sugal sa kanyang sakop. paano maibabalilk ang tiwala ng sambayanan sa kapulisan kung ang peryahan ay hindi mapasara ni Briones? Eh, di ibig sabihin niyan ang iba pang uri ng sugal diyan ay hindi rin maaksiyunan ni Briones, di ba mga suki?

Itong si Sr. Insp. Briones ay inireklamo ni alyas Arthur noon na malakas manghingi ng pitsa subalit sa ngayon sa tingin ko ay nagkasundo sila ng bagong financier na si Jess, na tubong Bicol, Papurihan ko lang si Mayor Fernando kapag naipasara na niyang tuluyan ang peryahan sa balwarte ni Favis na kalaban niya sa pulitika. He-he-he! Maikumpas kaya ni Mayor Fernando ang kamay na bakal niya sa pulitika. He-he-he! Maikumpas kaya ni Mayor Fernando ang kamay na bakal niya laban kay Jess?

Kung sabagay, hindi lang ang peryahan sa sakop ni Favis ang nagbukas bago mag-Pasko kundi maging ang video karera ng kaibigan kong si Randy Sy sa kaharian naman ni Meycauayan Mayor Eddie Allarilla. Kaya sa ngayon, dumadami na ang bilang ng drug addict at iba pang krimen sa Meycauayan dahil sa naglilipanang makina ni Randy Sy nga. At tulad ni Briones, inutil din ang hepe ng lugar na si Supt. Fernando Villanueva para sugpuin ang video karera ni Randy Sy. Sa magkanong dahilan kaya ha, Mayor Alarilla at Supt. Villanueva Sirs?

Ayon sa kausap ko sa Manila Police District (MPD), ang mga makina ni Randy Sy sa kaharian ni Alarilla ay matatagpuan sa barangay Tugatog, Bangkal, Bayugo, Longos, Gasak, Salisoy, Kalbaryo, LGP, Malhacan, Lawa, Libtong, Langka, Iba, Pajo, Sto. Niño, Kamalig at Tires. Kung nagbukas ng illegal na negosyo si Randy Sy sa Meycauayan, hindi nalalayo na isusunod na niya ang Maynila, anang taga-MPD na nakausap ko. Pero papayag kaya ni Manila Mayor Lito Atienza na babuyin na muli ng mga makina ni Randy Sy ang pugad niya? Kapag nailigpit ni Mayor Atienza ang saklaan ni Louis Ponga Jr. ng Malabon, ibig sabihin niyan hindi rin niya papayagan ang ‘‘I Shall Return’’ ni Randy Sy, di ba mga suki?

At hindi lang si Randy Sy ang masaya sa ngayon kundi maging itong mga pulis na sina Jerry Peralta at Romy Malang, at sibilyan na sina Renel Bernardo, Eric Francisco, Lito Mison, Benny Ang, Mel Espinosa at Malang brothers. Mantakin mo hanggang sa ngayon ay hindi pa magalaw-galaw ang kanilang operation ni NCRPO chief Dir. Vidal Querol. Sino itong Col. Hernandez na umano’y nagbibigay protection sa mga nabanggit na video karera operators? Tuloy din ang operation ng makina ni Oye Santos sa Malabon at maging ang kasosyo niya na si Ronald Viscarra sa kaharian naman ni Parañaque City Jun Bernabe. Siyempre, ayaw ding pahuli sa sistema ni SPO1 Paeng Li-pata sa siyudad ni Mayor Jaime Fresnedi.

Hanggang kailan kaya ang buwenas ng mga ilegalista?

Abangan!

AYON

BARANGAY PARANG

BENNY ANG

BINKY FAVIS

BRIONES

MAYOR

MAYOR FERNANDO

RANDY

RANDY SY

SR. INSP

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with