Sa pagdami ng mga OFWs, nagsulputan din naman ang mga problema at kabilang diyan ang pagdami ng bilang ng mga nakakulong na manggagawa sa bansang pinagtatrabahuhan. Bawat bansang mga Pinoy ay hindi nawawalan ng mga nakabilanggo. Ibat iba ang kasalanan. Pero mas matindi kung mabilanggo na wala namang kasalanan at hindi nabibigyan ng tulong ng gobyernong Pilipinas. May mga bilanggong OFWs na napagbintangan lamang o magaan lamang ang nagawang kasalanan subalit matagal na ang inilagi sa kulungan. Hindi mabigyan ng abogado at hindi inaasikaso ng mga pinuno ng embahada.
Batay sa talaan ng Department of Foreign Affairs, may kabuuang 4,775 ang mga Pilipinong contract workers ang nakakulong at 1,103 sa mga ito ay babae. Pinakaraming nakakulong sa Malaysia, 1,200; Israel, 1,028; Japan, 314; Saudi Arabia, 213; Singapore, 192; Kuwait, 47; at Hong Kong, 77. Ibig sabihin, bawat bansang may Pilipinong trabahador ay mayroon ding nakakulong.
Bagong bayani ang tawag sa mga OFWs pero nagiging "bigong bayani" dahil napapabayaan ng gobyerno. Laging pinupuri dahil sa pag-aambag ng tulong na mapaganda ang ekonomiya. Pero hanggang doon lamang sapagkat hindi naman naibibigay ang lubusang tulong sa mga OFWs na inaapi at inaabuso. May mga nabubulok sa bilangguan dahil lamang sa simpleng paglabag sa trapiko o di-kayay may nilabag tungkol sa relihiyon. Alamin ang kalagayan ng mga bilanggong OFWs. Bigyan ng sapat na tulong para maialis sa madilim na kulungan na matagal na nilang kinasadlakan. Maraming Pinoy na bilanggo na naging biktima lamang ng pagkakataon. Hindi sila dapat pabayaan.