^

PSN Opinyon

‘Masamang biro…’

CALVENTO FILES - Tony Calvento -
KUNG minsan ang pagbibiro lalo na kung nakainom at lasing ay nagiging dahilan ng pagtatalo hanggang sa mauwi sa isang krimen. Tulad na lamang ng istoryang tampok para sa araw na ito, buhay ang kapalit matapos niyang biruin ang suspek.

Idinulog ni Zenaida Chua, 47 ng Bagong Silang, Caloocan sa aming tanggapan ang kasong pagpatay sa kanyang asawa, si Eliseo, 48 taong gulang.

Ang mag-asawang Zenaida at Eliseo ay may maliit na karinderya sa kanilang lugar. Tumutulong si Eliseo sa kanyang asawa at siya ang tagapagluto dito at maaasahan sa lahat ng oras. Mabait, mapagmahal at maasikaso subalit ang pagkahilig nito sa pag-inom ang hindi mapigilan ni Zenaida.

"Madalas siyang makipag-inuman kasama ang kanyang mga kaibigan. Hilig din nila ang kumanta sa mga videoke bar," kuwento ni Zenaida.

Ika-29 ng Marso 2003 bandang alas-11:50 ng gabi sa Bagong Silang, Caloocan naganap ang insidenteng pagpatay kay Eliseo. Habang nakikipag-inuman ito biniro niya ang isa sa mga kainuman niya at suspek sa pagpatay, si Elly Matias na bumili ng cornic para ipulutan nila.

"Hindi bumili si Elly kaya naman biniro daw ito ng asawa ko na kasing-kunat niya ang kornik," kuwento ni Zenaida.

Si Elly ay hindi lehitimong taga-Bagong Silang, Caloocan City. Tubong-Quezon at nakikitira lamang ito sa kanyang kapatid na si Millet Valencia na isang midwife. Samantala nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ni Eliseo at Elly dahil sa birong binitawan ng una.

"Inakala siguro ng asawa ko na wala namang saysay ang kanilang naging pagtatalo pero dinamdam pala ng husto ni Elly ang pagbibiro ni Eliseo. Pagkatapos noon ay umuwi na si Elly sa kanilang bahay," sabi ni Zenaida.

Samantala matapos mag-inuman ay nagkayayaan ang mga kaibigan ni Eliseo na magpunta sa isang videoke bar na malapit din naman sa kanilang bahay.

"Matapos magkantahan at malasing ay nag-uwian na sila. Sandaling tumigil ang asawa ko sa isang sulok para umihi. Lingid sa kanyang kaalaman, inaabangan na pala siya noon ni Elly," kuwento ni Zenaida.

Mula sa isang lugar, biglang dumating si Elly at patraydor nitong sinaksak si Eliseo sa likod. Pagharap ng biktima, sinaksak pa nitong muli sa dibdib at ilang ulit pang saksak ang tinamo nito sa iba’t ibang bahagi ng katawan hanggang sa bumagsak na.

"Si Edwin Quiroga, saksi sa nangyaring pagsaksak. Nakita umano niya kung paano pinatay ni Elly ang asawa ko. Nang makita niya ito sinigawan niya ang suspek para tigilan ang pagsaksak niya pagkatapos noon ay saka pa lang ito tumigil," salaysay ni Zenaida.

Matapos ang ginawang krimen ay mabilis na nilisan ng suspek ang lugar na pinangyarihan ng krimen. Samantala isang kapitbahay ang nagpunta sa bahay nina Zenaida upang ibalita ang nangyari sa asawa.

Agad namang isinugod sa ospital si Eliseo subalit hindi naman naipagbigay-alam kung saan ospital ito dinala. Hinanap na lamang ni Zenaida kung saang ospital dinala ang kanyang asawa.

"Una akong nagpunta sa East Avenue Medical Center pero hindi naman pala siya doon dinala. Sakay ako ng isang tricycle kaya bawat ospital na nadaanan namin ay inalam ko kung doon nga dinala si Eliseo. Hindi ko na alam ang gagawin ko nang mga sandaling hindi ko matunton ang ospital na pinagdalhan sa asawa," pahayag ni Zenaida.

Ayon pa kay Zenaida, bawat ospital na madaanan nila ay pinagtatanong niya kung naroroon ang kanyang asawa hanggang sa matunton niya na sa Bernardino Hospital ito dinala.

Sa kasamaang palad, dead-on-arrival ang biktima kaya hindi na ito nabigyan pa ng lunas. Agad namang inireport ng pamilya ng biktima ang nangyari kay Eliseo.

"Nagsisigaw at nag-iiyak ako nang malaman kong patay na ang asawa ko. Napasakit na mawalan ng mahal sa buhay," sabi ni Zenaida.

Kasong murder ang isinampa ng pamilya Chua laban kay Elly. Nagkaroon ng mga pagdinig sa kaso subalit hindi na nagpakita pa ang suspek. May warrant of arrest na ito subalit nanatiling nakakagala pa rin si Elly. Samantala nakikipag-usap naman sa pamilya ng biktima ang kapatid ni Elly upang ayusin ang gulo.

"Tinanong nila kami kung anong tulong ang maibibigay nila sa amin. Ang sinagot ko naman sa kanila ay isuko lang nila ang suspek para mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ng asawa ko," sabi ni Zenaida.

Nangako naman umano ang pamilya ng suspek na makikipagtulungan sila para mahuli ito subalit ayon kay Zenaida hindi nangyari ang bagay na ‘yon. Hangad na lamang niya at ng kanyang pamilya na mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Eliseo.

"Sa ngayon wala na akong katulong sa pagtitinda kaya naman labis akong nalulungkot sa tuwing maiisip ko ang walang saysay na pagpatay sa kanya. Na dahil lamang sa biro ay ganoon ang sinapit niya. Sana sa pamamagitan nito ay mahuli na ang suspek. Nararapat lamang na harapin at pagbayaran niya ang krimeng ginawa niya," pagwawakas ni Zenaida.

Para sa lahat ng biktima ng karahasan, krimen at mga legal problems, maaari kayong tumawag sa 6387285 o ‘di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09209672854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

Ugaliing makinig sa aming radio program "HUSTISYA PARA SA LAHAT" kasama si DOJ Secretary Raul Gonzalez, Prosecutor Olive Non at ang inyong lingkod, tuwing Sabado alas-7 hanggang alas-8 ng umaga sa DWIZ 882 am band.
* * *
E-mail address: [email protected]

ASAWA

BAGONG SILANG

ELISEO

ELLY

NIYA

SAMANTALA

ZENAIDA

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with