Nangangamoy na naman ang Immigration dahil sa panibagong kalokohan na nangyari makaraang makatakas na naman ang tatlong detenido sa kanilang bilangguan sa Taguig. Ito ang ikalawang pagtakas ng mga dayuhang naka-detain. Una ay ang kidnapper na si Zhang Dou. At sumunod na tumakas noong Lunes ay isang Sri Lankan at dalawang Chinese na umanoy mga drug pushers.
Nakasusuka na ang nangyayari sa Immigration. At sa kabila niyan, hindi raw magbibitiw si Fernandez dahil ginagawa naman daw niya ang kanyang tungkulin.
Naging kontrobersiya ang Immigration noong May 7, 2005 nang makapuga si Zhang habang nakakulong sa detention cell ng Immigration sa Bicutan, Taguig. Sangkot si Zhang sa pagkidnap kay Jackie Tiu, anak ng isang mayamang businessman noong September 2001. Nag-demand ng P1 million si Zhang para makalaya si Tiu. Nahuli si Tiu nang ibibigay na ang pera. Tiklo sina Zhang. Ikinulong si Zhang habang ginagawa ang pagdinig sa kanyang kasong kidnapping. Umaasa ang pamilya ni Tiu na mahahatulan si Zhang dahil sa ginawa nitong pangingidnap. Pero nagkamali ang pamilya Tiu sapagkat wala silang kamalay-malay na nakatakas na pala si Zhang sa kanyang selda.
Ang pagtakas ni Zhang ay nalaman naman pala ng isang kasamahan niya sa selda. Isang Sri Lankan na nagngangalang Keerthi Jamahaya ang naging dahilan para makatakas si Zhang. Habang nakakulong si Keerthi, malaya naman siyang nakalalabas ng selda at siya pa ang "lumakad" sa mga papeles ni Zhang para makatakas. Kinasabwat ni Keerthi ang mga opisyales ng Immigration para makatakas si Zhang. Ang matindi pati mismo si Keerthi ay nakatakas na rin.
Sino pa ang susunod na tatakas sa selda ng Immigration? Marami pa marahil sapagkat wala namang ginagawang seryosong hakbang ang pamunuan ng Immigration. Kung may hakbang ang Immigration laban sa mga tiwaling opisyal at tauhan, tiyak na wala nang makatatakas sa kanilang selda. Pero hindi ganyan ang nangyari. Nadagdagan pa nga ang tumakas. At sa kabila niyan, hindi pa rin daw magbibitiw ang Immigration commissioner.