Ang pahayag ni Querol ay nakapagbibigay ng seguridad sa lahat. Pero hindi rin naman dapat tawanan ang kapabilidad ng mga magsasagawa ng karahasan. Maaaring sa kabila ng kahigpitan ay makalusot pa rin ang mga magtatangkang agawin ang kapangyarihan at maghasik ng lagim. Maaaring makalusot ang mga teroristang "uhaw sa dugo" at magsagawa ng pambobomba sa maraming lugar sa Metro Manila.
Maaaring sa mga magtatangka ng kudeta ay nakahanda ang puwersa ng PNP pero sa mga terorista, mahirap sabihin kung talaga nga bang nakaprepara rito ang PNP. Hindi dapat magpakasiguro ang PNP at baka mabulaga na lamang ng mga pagsabog at isang iglap ay babaha na naman ang dugo.
Sariwang-sariwa pa ang limang sunud-sunod na pambobomba noong December 30, 2000 kung saan mahigit 100 katao ang namatay at maraming nasugatan. Pinakamatindi ang pambobomba sa LRT sa Blumentritt Station. Sumabog ang bombang itinanim sa isa sa mga coach ng LRT. Nang mahawi ang usok, nakabulagta ang mga patay at maraming sugatan. Kalunus-lunos ang nangyari. Karamihan sa mga namatay ay dadalaw lamang sa kanilang mga mahal sa buhay. Ang iba ay namimili ng ihahanda para sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Paigtingin pa ng PNP ang ginagawang pagbabantay sa mga taga-Metro Manila. Hindi na dapat maulit ang pangyayari sa LRT na maisisisi rin naman sa kawalan nang mahigpit na pag-inspection sa mga dala-dalahan ng mga pasahero. Katulad ng kaluwagang ipinakita kaya nataniman din ng bomba ang Super Ferry 14 na biyaheng Cagayan de Oro. Marami ang namatay sa pambobomba.
Nakahanda raw ang buong PNP. Dapat lamang sapagkat mas masakit kung sa kabila ng kahirapang dinaranas ng mamamayan ay mapipinsala pa ng mga terorista o ng mga nagnanais magkudeta. Paigtingin ang pagbabantay para masiguro ang kaligtasan ng mamamayan.