Hindi nakakapagtaka kung bakit ganito ang kanyang naging pasya. Napakatagal na nga naman niyang nakatalaga sa Kamaynilaan bilang isang opisyal ng pamahalaan, mula pa noong siya ay maging isa sa mga kinatawan ng Cebu sa 1971 Constitutional Convention 34 na taon na ang nakakalipas.
Sa hindi gaanong kilalang barangay ng Colawin sa Argao, Cebu isinilang si Davide noong Disyembre 20, 1935. Ang kanyang mga magulang ay mga gurong pampubliko. Doon siya sa Argao nag-aral ng elementarya. Hanggang sa kolehiyo sa Unibersidad ng Pilipinas, ay pawang sa mga paaralang pampubliko siya nag-aral.
Una siyang nahirang sa Korte Suprema noong Enero 1991. Nahirang siyang Chief Justice noong Nobyembre 30, 1998.
Ang hindi alam o maalala ng marami, ay ginawaran ng Philippine Jaycee Senate noong 1999 si Davide bilang isa sa 10 Outstanding Pilipinos, at ang parangal sa kanya ay sa environmental law. Isa nga lamang kasi ito sa maraming mga parangal na natanggap niya. Kaunti rin lang marahil ang nakababatid na kasapi siya sa Advisory Council of Eminent Jurists para sa rehiyon ng Asia-Pacific ng United Nations Environment Program.
Mula sa pagiging huwarang opisyal ng pamahalaan, si Davide ay isa na ngayong huwarang mamamayan. Sanay dumami pa ang retiradong mga opisyal na maglalaan ng kanilang panahon at kaalaman para sa ikauunlad ng ating kalikasan at kapaligiran.
Maraming tagalungsod ang tila wala nang oras na ma-enjoy ang kalikasan, maliban lamang kung panahon ng bakasyon kung kailan sila ay nakakauwi ng kani-kanilang mga lalawigan. Magandang isipin na tuwing umaga, gigising kang napapaligiran ng mga halamang nagbibigay ng malinis na hangin at malamig na araw; sa mga punong nakapaligid, na ang ibay hitik sa bunga, humuhuni ang mga ibong malaya; sa batis, malinis at matamis na tubig ang dumadaloy. Para sa maraming tagalungsod, ang mga ito ay mga gunita na lamang. Ngunit kaya nating panumbalikin ang mga ito.
Mapalad tayo na may mga opisyal na tulad ni Davide, na matapos ng mahaba at matapat na paglilingkod sa pamahalaan, ay patuloy pa ring maglilingkod bilang pribadong mamamayan. At bakit nga naman hindi? Marami nang mga apo si Davide. Kailangan nila ang tagapangalaga ng mundong kanilang kalalakihan. Umaasa sila sa kanilang mga lolot lola, at sa atin na mga magulang nila. Kailangan nila tayo.