Mga pekeng testigo, sa "Garci" kastiguhin

DAPAT ay kastiguhin at parusahan ng Senado ang mga testigong pabago-bago ng deklarasyon. Mga panggulo ang mga ito na lalung nagpapalabo sa isyung gustong malinawan ng bayan.

Mabuti’t hindi tumaas ang blood pressure ni Senador Rodolfo Biazon sa tatlong taga-Mindanao na tumestigo "kuno" sa palasak nang isyu ng Hello Garci kamakailan. Si Biazon ang namumuno sa komiteng nagsisiyasat sa usapin.

Aksaya ng oras at pera ng bayan
ang pagdinig sa testimonya "kuno" nina Ashmare Lucman, Atty. Roel Pulido at Shariah Judge Nagamura Moner. May "masamang tinapay" pala si Lucman kaya tumestigo sa sinasabing dayaan noong 2004 presidential polls. Hindi napagbigyan si Lucman na ma-appoint bilang cabinet undersecretary kaya parang batang inagawan ng lollipop na nagsumbong sa Senado kahit wala namang bitbit na ebidensya. Tainted witness. Gusto man nating lumutang ang totoo sa kontrobersyang kinasasangkutan ng Pangulo, lalu lang gumugulo sa ganyang mga klase ng testigo.

Sabi pa niya, si Presidente Arroyo mismo ang nagdala ng P2 milyon sa Cagayan de Oro para ibigay kay Moner, isang bagay na pinabulaanan ng huli at sinuportahan naman ng kanyang abogadong si Pulido. Siyempre naman, abogado siya kaya alangan namang sumalungat.

Sa pagdinig ng Senate committee on defense ni Biazon, nabuking na inuto lang ni Atty. Pulido si Moner na pirmahan ang isang affidavit na nagdedetalye sa ginawang "pandaraya. Comedy of error ang nangyari. Biglang nanindigan si Moner na wala talagang dayaan. Binawi niya ang affidavit na nilagdaan niya. Sabi niya inudyukan lang siyang pirmahan ang affidavit ni Pulido bilang "pagsisipsip" sa oposisyon upang tiyaking mananatili siyang Shariah judge kapag tumalsik na si GMA.

Si Moner mismo ang umamin sa kanyang pagiging oportunista o pamamangka sa dalawang ilog. Okay sana kung totoo ang pinagsasabi ni Moner at tapat ang kanyang intensyon sa pagtestigo. Pero urong-sulong.

Nagpaimpres naman si Pulido. Naglabas ng isang taped conversation daw nila ni Moner. Alam kaya ni Pulido na isang abogado na labag sa batas ang kanyang ginawa? Sa ilalim ng lawyer-client relations, hindi puwedeng kumanta si Pulido laban sa kanyang kliyenteng si Moner. At hindi lang siya naghudas kay Moner kundi nilagyan pa ng salita ang bibig nito.

At ito namang si judge, bakit pirma nang pirma kahit anong papel ang isubo sa kanya. Ano ang kuwalipikasyon nito para maging judge? Hoy... kadiri kayo!

Show comments