EDITORYAL – Katawa-tawa

LAUGHTER is the best medicine," iyan ang payo sa bawat isa lalo pa’t may karamdaman o namumroblema. Ang pagtawa ay mahusay na gamot. Aprubadong garantisado. Lalo pa sa mga Pinoy na sinasagasaan ng kung anu-anong krisis: krisis pampulitika, krisis sa walang tigil na pagtaas ng gasoline, krisis sa pananalapi at iba pang krisis.

At ang ginawa ng dating defense secretary at heneral ng armed forces na si Fortunato Abat na pagtatayo ng isang transition government kamakalawa ay mabisang medisina sa mamamayang Pilipino. Paano’y nakatatawa ang ginawa ni Abat na walang kaabug-abog na nagtayo ng sariling gobyerno at naglagay ng mga tao niya na kinabibilangan ni dating budget secretary Salvador Enriquez at dating Ambassador Roy Señeres. Sila ang mga nangunguna sa bubuuing mga miyembro ng Cabinet ni Abat. Ini-screen pa umano ang iba pang miyembro ng Cabinet. Ginawa ni Abat ang pahayag sa Club Filipino at sinabi niyang hindi sila aalis doon hangga’t hindi bumababa sa puwesto si Mrs. Arroyo.

Marami ang napahagikgik, nagtawa at humalakhak nang todo makaraang ideklara ni Abat ang sarili na "presidente" ng revolutionary transition government. Ito ang ikalawang pagtatangka ni Abat na magtayo ng sariling gobyerno.

Tagumpay ang dating heneral na mapatawa ang taumbayan sa kanyang ginawa. Pati si dating President Fidel Ramos ay nagtatawa nang mainterbyu at sinabing "palpak" ang ginawa ng dati niyang tauhan. Hindi raw magtatagumpay si Abat.

Ang pagdedeklara ni Abat bilang presidente ng revolutionary government ay eksaktung-eksakto naman sa pagdiriwang ng unang anibersaryo ng kamatayan ni actor Fernando Poe Jr. Eksakto rin naman sa paglutang ni dating Comelec commissioner Virgilio Garcillano na ngayon ay ginigisa na sa Senado. Isang araw makaraang magdeklara si Abat, pumuga naman ang isang rebeldeng sundalo na kasama sa Oakwood mutiny.

Maraming pinatawa si Abat at patatawanin pa. Pero ang ginawa niya kahit nakatatawa ay nakapagbibigay din naman ng tigatig sapagkat maaaring matakot na naman ang mga dayuhang investors at mga turista. Sino ang hindi matatakot kapag nalamang bukod kay Mrs. Arroyo ay may isa pang "presidente" ang Pilipinas. Sino ang hindi masisindak kapag nalamang may kahati si Arroyo sa pagkapangulo – sa katauhan ni Abat. Nakatatawa ito. Kahapon ay inaresto na si Abat.

Show comments