Tunay na mabuting balita

TAYO ay nasa Ikatlong Linggo ng Adbiyento. At patuloy na inihahanda tayo sa pagdating ng ating Panginoon. Ang pagbasa sa Ebanghelyo ngayon ay mula kay Lukas (Lukas 7:18-23).

Ang lahat ng ito ay ibinalita kay Juan ng kanyang mga alagad. Tinawag ni Juan ang dalawa sa kanila at pinapunta sa Panginoon upang itanong, "Kayo po ba ang paririto, o maghihintay pa kami ng iba?" Pagdating nila kay Jesus ay kanilang sinabi, "Pinaparito po kami ni Juan Bautista at ipinatatanong kung kayo ang paririto o maghihintay pa kami ng iba." Nang mga sandaling yaon ay maraming pinagaling si Jesus: Mga pinahihirapan ng karamdaman, at mga inaalihan ng masasamang espiritu. Ipinagkaloob niyang makakita ang mga bulag. Sinabi niya sa kanila pagkatapos, "Bumalik kayo kay Juan at sabihin ang inyong nakita at narinig: Nakakikita ang mga bulag, nakalalakad ang mga pilay, gumagaling ang mga ketongin, nakaririnig ang mga bingi, muling nabuhay ang mga patay, at ipinangangaral sa mga dukha ang Mabuting Balita. Mapalad ang taong hindi nag-aalinlangan sa akin!"


Tunay nga na ang Mabuting Balita ay ang mismong pagdating ni Jesus sa ating gitna. Ang mga palatandaan ay: Nakakikita ang mga bulag, nakalalakad ang mga pilay, ang mga bingi ay nakaririnig, ang mga patay ay nabuhay at ang Mabuting Balita ay ipinangangaral sa mga dukha.

Dahil sa Panginoon, nagkakaroon ng pag-asa ang tao, nagkakaroon ng panibagong sigla ang buhay, ang pagpapatawad ay bumubukal sa mga tao, ang kakulangan ay napupunuan at ang bawat aspeto ng buhay ay nahihipo ng biyaya ng Diyos.

Patuloy sana nating madama at ipadama sa iba ang presensiya ng Diyos sa ating gitna at paligid. Alam ninyo kung paano ito gagawin. Nasa sa inyo ang Espiritu ng Panginoon.

Show comments