Alisan ng karapatan ang mga tiwali

KAMAKAILAN lamang, aking kinansela ang mga IFMA o Integrated Forestry Management Agreement ng ilang mga korporasyon dahil sa iba’t ibang mga katiwalian o paglabag sa mga patakaran.

Sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng DENR, nagkaroon ng malawakang pagre-review ng mga forestry permits, kabilang na ang 147 na mga IFMA. Sa mga IFMA na ito, 32 ang nairekomendang kanselahin, kabilang na ang ilang tuluyan na ngang kinansela. Maaari ring sampahan ng iba pang mga kaso ang mga korporasyong ito, ayon sa iba pang mga batas na kanilang nilabag.

Sa wari ko, hindi dapat pahintulutang yumaman ang ilang mga korporasyon dahil sa paglabag sa mga batas. Ang pagmamalabis sa pagtotroso ay hindi lamang sumisira sa kagubatan kundi naglalagay na rin sa panganib sa kaligtasan at kabuhayan ng mga kanayunang napapaloob o nakapaligid sa kagubatan. Matatandaan ang mga sakunang inabot ng mga bayan ng Infanta, Real at General Nakar sa lalawigan ng Quezon na sinalanta ng pagbaha at landslide dahil sa pagtotroso sa Sierra Madre.

Ang IFMA ay isang pormal na kasunduan sa pagitan ng DENR at ng isang korporasyon na nais magnegosyo sa pamamagitan ng pangangasiwa ng kagubatan. Ang layon ng IFMA ay makipagtulungan ang pamahalaan sa mga korporasyon sa pagpapaunlad ng ating mga kagubatan. Ang mga korporasyon ang magtatanim at mangangalaga sa mga punongkahoy at, pag malalaki na ang mga puno, maaari na silang bigyang pahintulot upang anihin ang bahagi nito. Tuluy-tuloy ang pagtatanim. Kung baga, nagpla-plantasyon ang korporasyon, ngunit punongkahoy sa halip na ibang mga halaman ang mga pananim.

Mahigit na kalahating milyong ektarya ng lupaing gubat ang nasasakop ng 147 na IFMA na inabutan ko nang ako’y mahirang bilang DENR secretary noong Setyem- bre 2004. Ang bawat IFMA ay may tagal na 25 taon. Ang bawat korporasyon na may IFMA ay kinakailangan na magsumite sa DENR, at magpatupad, ng malawa-kang plano sa pagpapaunlad at pangangasiwa ng kagubatan; kapag nabigo ang korporasyon sa pagsumite at pagpapatupad sa nasaad na plano, hindi siya pahihintulutang magtroso ng mga puno. Dahil dito, o sa anumang mabigat na paglabag sa mga alituntunin, ay maaaring kanselahin ang IFMA.

Sa madaling sabi, may mga karapatang ibinibigay ang IFMA sa mga korporasyon na hindi tinatamasa ng iba. Ngunit may mga tungkulin ding kalakip ang mga karapatang ito.

Harinawa, ang pagkakansela sa mga tiwaling IFMA ay magsilbing babala sa iba pang mga IFMA holder na mahigpit nilang tupdin ang kanilang mga tungkulin.

Show comments