Si Garci ang itinuturong kausap ni Mrs. Arroyo na mahigpit namang pinabulaanan ng presidente. Inamin naman ni Garci na isang beses siyang tinawagan ni Mrs. Arroyo. Nagsorry si Mrs. Arroyo sa aniyay "lapse in judgement" na pakikipag-usap sa isang comelec official na hindi naman niya pinangalanan. Limang buwang nagtago si Garci. Unang naibalitang lumabas ng bansa pero itinanggi ni Garci. Palipat-lipat lang daw siya ng lugar. Pinalipas pa niya ang limang buwan bago ipinasyang lumutang. Nang gisahin ng Senado maraming hindi maalala si Garci. Hilo na si Garci pero iginigiit niyang walang nangyaring dayaan noong election.
Si Bolante ay may sa palos sapagkat apat na beses nang nasisibatan ang Senado. Si Bolante na dating agriculture undersecretary ay nakalabas na naman ng bansa sa kabila na nasa Immigration watch list. Nagtungo siya sa United States noong Linggo ng gabi. Umalis siya sakay ng Cathay Pacific flight patungong Hong Kong at saka nagtuloy sa US. Umalis siya sa bisperas ng pagharap niya sa Senado na nag-iimbestiga sa P728 million fertilizer scam. Ang Senado ay nagsimulang imbestigahan ang scam noon pang October 6 at mula noon ay patuloy na iniisnab ni Bolante ang inquiry. Sabi ni Sen. Ramon Magsaysay, lider ng komite na nag-iimbestiga sa scam, may makapangyarihang lakas na nasa likod ng patuloy na pag-iwas ni Bolante sa kanila. "Binibigyan namin siya ng pagkakataon na magpaliwanag at linisin ang kanyang pangalan subalit patuloy siyang umiiwas," sabi ni Magsaysay.
Talagang nakapagtataka ang patuloy na pag-iwas ni Bolante sa mga mag-iimbestiga. At ang pag-iwas ay nangangahulugan na mayroong itinatagong kasalanan. Apat na beses na siyang hindi sumisipot at itong panghuli ay lumabas pa ng bansa. Nakapagtataka namang nakalabas siya ng bansa sa kabila na nasa "watch list". Nangangahulugan lamang na may makapangyarihang lakas na kumukupkop kay Bolante.
Si Garci at si Bolante ay iisa. Umiiwas, umiilag at hinahatak si Mrs. Arroyo sa pagbagsak.