Yabang na yabang ang mga Pinoy pag nangingibang bansa. Iniistima at never bigyan ng problema sa mga airport dahil hindi pa tayo kilala noon sa pagiging illegal alien.
Dagsa rin ang mga dayuhang nag-aaral rito at nais kopyahin ang ating husay at iuwi sa bayan nila. Ang isa sa pinakamarami ay mga agriculturist na nag-aaral sa UP Los Baños.
Pero dahil sa maunlad tayo at masarap ang buhay ay naging tamad ang marami sa ating mga kababayan. Marami sa ating mga kabataan ay pinabayaan sa layaw. Hindi matiis ng magulang ang makita silang nagbabanat ng buto.
Katwiran ng mga nangungunsinting mga magulang, para ba kanino itong mga naiipon namin kung hindi sa mga anak namin. So karamihan sa mga kabataang yan ay hindi nagtapos, nagpabaya at sa huli nilustay din ang inipon at pinaghirapan ng kanilang mga magulang.
Ganyan ho ang nangyari basically sa ating bansa, masyado tayong nagpabaya, akala natin ay laging okay at kung ang mga kapitbahay nating mga bansa ay nagsisikap, sinasanay sa pagbabanat ng buto ang kanilang kabataan at tinuturuan ng mga tamang ugali tayo ho ay kinunsinti natin ang marami sa ating mga kabataan. Kaya heto tayo ngayon.
Problema niyan ang pangungunsinti natin ay hindi natin binigay lang sa ating mga anak, binigay din natin sa mga namumuno sa ating bansa. Masyado tayong nagpabaya at komo akala natin ay hindi tayo maaapektuhan ay pinabayaan natin ang walang habas na pagnanakaw.
Maliban sa kokonting sector na pumapalag sa mga katiwalian ng ating mga opisyal, karamihan ay nagsawalang kibo sa patuloy na panloloko, pagsisinungaling at pandaraya ng mga tiwaling opisyal ng gobyerno.
Katwiran ng karamihan, ang papalit naman ay ganoon din ang gagawin o ang iba naman ang sinasabi ay wala naman tayong magagawa. Ito ho ay isang uri rin ng pangungunsinti.
Ang pagsasawalang kibo, pagpapabaya at pangungunsinti ay magbibigay ng go-signal sa mga corrupt na opisyal na puwedeng ipagpatuloy ang pagnanakaw gaya ng pagbibigay natin ng masamang ehemplo sa ating mga anak na okay lang na hindi kayo magtapos, magpakatamad kayo dahil nandiyan naman lagi si inay at itay.
Kung sa ating mga anak at apo ang dapat nating isipin ay hindi natin sila makakapiling habambuhay sa mga corrupt na opisyal ng gobyerno naman ang dapat nating isipin ay pagdurusahan natin sa kinabukasan ang kanilang walang habas na pagnanakaw.
Kung patuloy tayong mangungunsinti sa ating mga kabataan at pagsasawalang bahala sa katiwalian ng gobyerno, wala tayong sisisihin kung hindi tayo at ang paghihirap natin ay lalong lalala at masasadlak ang bayan natin sa mas matinding kalagayan.