Mag-ingat sa iniinom na tubig

HINDI komo malinaw ang tubig, ligtas na itong inumin.

Ayon sa isang pag-aaral na ginawa ng World Bank, umaabot na sa 58 porsiyento ng ating groundwater na pinagkukunan ng tubig na pang-inom ay apektado na ng coliform bacteria na nagdudulot ng sari-saring mga karamdaman sa mga tao.

Maraming nag-aakala na ang deepwell ay ligtas na paraan ng pagkuha ng malinis na tubig mula sa lupa. Pero mali. Maruming tubig pa rin pala ang nakukuha nila, lalo na sa mga matataong lugar kung saan halos dikit-dikit na ang mga bahay. Ang tradisyonal na posonegro kasi ay hindi tunay na selyado; tumatagas mula dito ang maruming tubig na humahalo naman sa iba pang tubig sa ilalim ng lupa. Ito ay isang dahilan kung bakit nauuso na ang mga posonegro na yari sa makapal na recycled plastic.

Nilalason din natin ang ating katubigan, pati na ang mga lawa at karagatan, sa pamamagitan ng pagtatambak ng basura sa mga kanal at estero. Marami sa ating mga estero at ilog ang maituturing na patay na, dahil hindi na nito kayang bumuhay ng mga isda at iba pang mga nilikha na nabubuhay sa malinis na tubig. Dagdag pa rito, pinalalala natin ang pagbaha sa Kamaynilaan; kapag barado ng basura ang mga imburnal at daluyan ng tubig, siguradong babaha tuwing uulan ng may kalakasan.

May mga tuso ring negosyante na kung makalulusot ay ipinadadaloy ang maruming tubig nila, na nagtataglay ng kung anu-anong nakalalason na mga kemikal, diretso sa ilog. Labag sa batas ito. Ang dapat ay linisin muna nila ang tubig bago ito pakawalan sa kanal, lawa o ilog.

Bukod pa rito, napakarami nating kabahayan ang nagpapadaloy ng kani-lang maruming tubig diretso sa mga kanal. Halimbawa na ang pinaghugasan ng mga plato at kaldero. Kadalasan, maraming taglay na sebo at sabon ang tubig na ipinanghugas. Ang dapat sana, nahihiwalay ang sebo at grasa mula sa tubig. Ngunit ito ay kadalasang isinasagawa lamang sa mga modernong restoran na may mga "grease trap." Sana’y makagawa ng paraan ang ating mga sanitary engineers na magkaroon ng grease trap sa pagitan ng mga kabahayan at ng mga malalaking kanal, upang mabawasan ang grasa at sebo na dumadaloy sa ating katubigan.

Hindi dapat ipagwalambahala ang pagka-ubos ng malinis na tubig. Ang maruming tubig ay nakalalason. Ang malinis na tubig naman ay pataas nang pataas ang presyo. Karapatan ng lahat ng mga mamamayan, kabilang na ang mga dukha, na magkaroon ng malinis na tubig sa presyong abot-kaya. Ngunit kapag patuloy nating nilalason ang katubigan, para na rin nating nilalason ang ating sarili.

Show comments