Kada VIP room pala ay may dalawang lamesa na may sampung players naman ng poker. Sa pagpasok mo pa lang sa underground poker games, aba tumataginting na P20,000 worth ng buy-in chips na ang dapat pakawalan mo. Every two weeks pala ay may tournament at aabot sa P300,000 ang pinag-aagawan. Maraming nalilibang sa larong ito dahil mula alas-9:00 ng gabi hanggang madaling-araw na kung matapos ang poker doon.
Kaya pala madaming parukyano ang dumadayo dito sa Elbow room hindi para maglaro ng billiards kundi para magsugal. May alam kaya ang kapulisan natin sa underground poker na ito ni Galan? Hindi ba na ang naguguyo dito sa patuloy nilang operation ni Galan ay ang gobyerno dahil wala naman silang taxes na binabayaran? Dapat kayang kumilos na ang PAGCOR para mapuksa na ang operation ni Galan na umaabot na sa 20 ang butas sa buong bansa? Kung ako si Atty. Mon Montesclaros, ang operator ng mini casino sa Pasay City, aba isusuplong ko sa batas itong underground poker ni Galan para makaganti rin siya sa sinapit niya. Kailan kaya magsasalita si Montesclaros?
Itong mga dealer pala ng poker sa Elbow Room ay nag-train pa sa Las Vegas sa Nevada na kung tawagin ay Pocket Aces. Tig-P1,000 ang bayad sa mga card dealer bawat araw, anang suki ko. Kayang-kaya rin namang kitain ni Galan ang pera dahil hindi bababa sa P300 ang tong kada deal ng baraha. Kung isasama mo dito ang tip, aba kumakamal din ng limpak-limpak na salapi ang mga card dealer na karamihan ay galing din sa PAFCOR. Hanggang kailan kaya magtatagal ang operation itong underground poker?
Isiniwalat rin ng suki ko na ang nasa likod pala nitong operation ng poker games ni Galan ay isang kamag-anak ni Ilocos Sur Gov. Luis Chavit Singson. Ngeee! Totoo kaya ito?
Kung sabagay, natatandaan ko pa na may nagbarilan na mga security guards diyan ukol sa parking space at nabanggit rin ang pangalan ni Chavit noon, di ba mga suki? Kung si Chavit ay naging jueteng witness noon para mapatalsik si dating Pres. Erap Estrada, bakit pinasukan niya ang ganitong klaseng laro na ang inoonse ay ang gobyerno ni Pres. Arroyo? May marami pang katanungan tayo mga suki pero tiyak magkakaroon ito ng kasagutan sa susunod na mga araw. Abangan!