Nagbago ba ang Disyembre?

Disyembre na’y bakit kaya
Parang wala na ang Pasko,
X-mas carol na masigla
Di rin marinig sa radyo;

Samantalang noong unang
Ang panahon ay ganito
Sa lahat ng dako natin
Masaya ang mga tao!

Sa bintana’y wala pa ring
Mga parol na nagsabit,
Maniningning na Christmas light
Kokonti ang namamasid;

Disyembre na’y bakit kaya
Walang hamog na malamig
At wari bang nagtatampo
Kagandahan ng paligid?

Dati rati kung ganitong
Sumasapit ang Disyembre
Sa tahana’y umiilaw
Makukulay na Christmas tree

Ang dalaga at binata’y
Nagsisimba nang palagi
Umaasang ang kasalan
Sa Pasko ng Batang Hari!

Ano pa nga at naglaho
Magagandang pangitain,
Ay dapat na nakikita
Pagka’t Pasko ay darating?

Mga prutas na sagana
Masasarap na pagkain —
Pati amoy ng pinipig
Wala na rin sa bukirin!

Ang malamig na panahon
Ay hindi pa bumabalot,
Papasko na’y malabo pa
Ang hintay na Christmas bonus;

Ang Disyembre’y nagbago nga
Kaya hindi natin talos —-
Sasapit na Bagong Taon
Kung masaya o malungkot?

Show comments