Sa dami ng kanyang kasalanan, magaan pa rin ang hatol. Hindi na nakapagtataka kung bakit marami ang hindi natatakot gumawa ng kasalanan kahit na silay miyembro pa ng AFP. Magaan lang naman ang parusa.
Ganoon pa man, hindi pa tapos ang kaso ni Garcia. Marami pa siyang haharaping kaso sa Sandiganbayan. At kung magaan man ang parusa sa kanya ng mga "kabaro" niya sa military, baka sa Sandiganbayan ay mabulok na siya sa bilangguan sa sandamukal na kaso ng pangungulimbat. Umaabot sa mahigit na P300 million ang nanakaw ni Garcia noong siya pa ang bossing ng comptroller ng AFP. Kaya kahit na hindi na makakuha ng pension at mga benipisyo si Garcia, okey lang marahil sa kanya. Kapiranggot lang ang mawawala sa kanya. Marami siyang ari-arian hindi lamang dito sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa. Maraming sasakyan.
Nabuking ang pangungurakot ni Garcia nang arestuhin ng airport authorities ang kanyang anak sa San Francisco Airport na may dalang $100,000. Sinabi ng asawa ni Garcia na ang mga iyon ay regalo sa kanyang asawa. Ang insidenteng iyon ang naging daan para mahalungkat na ang mga nakatagong yaman ni Garcia.
Magaan ang parusa kay Garcia at maaaring ganito rin ang maging hatol sa iba pang heneral ng AFP na sangkot sa pangungulimbat. Katulad ni retired Lt. Gen. Jacinto Ligot. Si Ligot ang pumalit kay Garcia sa comptroller. Nadiskubreng maraming ari-arian si Ligot na halos walang ipinagkaiba sa dati niyang amo na si Garcia.
Laganap ang corruption sa gobyerno at pati mga opisyal ng AFP ay nabahiran na. Habang maraming sundalo ang sira ang uniporme at combat shoes, kulang sa supply ng pagkain, at marami ang walang sariling bahay at lupa, marami rin naman ang mga heneral na nagpapayaman sa puwesto. Kapag nabuking ang pagnanakaw hahatulan lamang nang napakagaan. Sino ang hindi maghihinagpis sa ganitong kalakaran?