Nagsadya sa aming tanggapan ang mag-asawang Danny at Zarline Garcia ng Sta. Ana, Taguig upang humingi ng tulong hinggil sa kasong isinampa laban sa suspek na si Angelito Ceremonia alyas Angel, 20 taong gulang.
Itago na lamang natin sa pangalang Jane ang limang taong gulang na biktima umano ng pangmomolestiya ng kanyang ninong. Pinagkatiwalaan at inasahan sa pagpapalaki sa bata ang inakala ng mga magulang na gagawin ng suspek sa bata.
"Pang-apat sa limang magkakapatid si Jane. Nakatira siya sa bahay ng kanyang Ninong Angel dahil mahilig sa bata ang ina nitong si Alicia. Nakawilihan nila ang anak ko kaya sa kanila na ito natutulog, kumakain pero lahat ng pangangailangan niya kami pa ring mag-asawa ang nagbibigay dito," kuwento ni Zarline.
Hindi na iba ang turingan ng mga pamilya Garcia at Ceremonia. Wala namang kasunduan sa pagitan ng dalawang pamilya patungkol kay Jane. Inisip ng mag-asawa na maayos din ang kalagayan ng bata sapagkat nakita naman nila ang atensyon at pagmamahal nila dito.
Minsan napansin ni Zarline na hirap sa paglalakad ang kanilang anak kaya tinanong nito kung may nararamdaman ito.
"Sinagot lang niya ko ng Nonong ko pagkatapos ay hindi na ako nag-usisa pa dahil hindi naman ako nag-iisip ng masama. Baka lang nagkukulitan ang mag-ninong kaya medyo nadisgrasya ang bata," sabi ni Zarline.
Ika-16 ng Setyembre 2005, isinama ni Zarline ang kanyang anak sa bukid nang sabihin ng biktima na naiihi siya. Sinabihan naman nito ang anak na umihi na lamang sa gilid at nagpahubad umano ng shorts at panty ang bata.
"Pagkahubad ko sa panty ng anak ko nagulat ako nang makita kong may dugo ito. Tinanong ko siya kung bakit may dugo ang panty niya at sinagot niya naman sa akin, Di mo ba alam na may regla na ako Mama. Mamaya nga bibili ako ng napkin. Ang sagot ko nga sa kanya paano siya magkakaregla eh bata pa siya," sabi ni Zarline.
Pagkatapos noon ay umuwi na sila ng bahay. Kinausap ni Zarline ang kanyang asawa patungkol sa dugong nakita nito sa panty ng anak. Pinayuhan ni Danny ang asawa na mas nakabubuting kausapin nito ang kanilang anak.
"Nilalansi ko ang anak ko para magsabi siya sa akin ng totoo. Sinabihan ko siya na sabay kaming maligo. Habang naliligo kami sinabi ko sa anak ko na sabihin niya sa akin kung ano ang totoong nangyari sa kanya. Ayoko namang biglain ang bata dahil baka naman matakot at lalong hindi magsabi sa akin," pahayag ni Zarline.
Sinabihan din ni Zarline ang kanyang anak na magtapat na dahil hindi naman niya ito sasabihin sa Papa niya hanggang sa sinabi ng biktima sa kanyang ina ang ginawa sa kanya ng kanyang ninong.
"Sinabi sa akin ng anak ko na pinasok daw ng Ninong Angel ang ari nito sa ari niya. Minsan daw sabi ng ninong niya sa kanya na maglalaro sila ng bahay-bahayan. Ang ninong daw niya ang tatay at siya naman ang nanay at ipapasok daw ng ninong niya ang ari nito sa ari niya. Pagkatapos daw nilang maglaro ay binigyan siya ng P5. May kung ilang beses na raw nangyari ito pero hindi daw siya nagsumbong sa amin dahil tinatakot siya ng ninong niya," salaysay ni Zarline.
Ika-19 ng Setyembre nagpunta ang mag-inang Zarline at Jane sa tanggapan ng Department of Social and Welfare Development (DSWD) sa kanilang bayan upang isangguni ang nangyari sa kanyang anak. Sinabihan naman sila na magreklamo sa Taguig Police Station at binigyan sila ng request para sa medico-legal ng biktima.
"Hindi pa makuhanan ng pahayag ang anak ko dahil ayaw pang magsalita nito. Limang taon lang ang bata kaya hindi din basta-basta ito makasagot sa mga tanong sa kanya. Gayunpaman inirereklamo pa rin namin si Angel sa kanyang ginawa dahil sa medico-legal ng anak ko positibong inabuso siya," sabi ni Zarline.
Samantala sa kontra-salaysay ng suspek, sinasabi nitong imposibleng magawa niya sa kanyang inaanak ang ibinibintang sa kanya. Parang bunsong kapatid na umano ang turing niya sa bata at itoy mahal na mahal niya. Sumama lang umano ang loob ni Zarline dahil sa hindi pagpapautang ng kanyang ina dito ang sinasabing dahilan ng suspek kaya siya ang tinuturong nangmolestiya sa bata.
"Hindi magsisinungaling ang bata kung iyon talaga ang nangyari. Nasa kanila ang anak ko kaya posibleng ginawa niya yon. Sila ang umutang sa akin pero hindi ko sila napautang dahil kung papautangin ko sila kami naman ang kakapusin pagkatapos kami pa ang babaligtarin niya para lamang mapagtakpan ang ginawa niya sa bata," pahayag ni Zarline.
Samantala, ayon pa kay Zarline, ang kanilang kapitan, si Mario Esguerra at Kagawad Virgilio dela Paz ang tumutulong sa akusado para maabswelto ang ginawa ni Angel dahil ang ama nito ay ang hepe ng mga tanod dito.
"Hangad kong mabigyan ng hustisya ang nangyaring pang-aabuso sa bata. Umaasa kaming pagbabayaran ni Angel ang ginawa niya," pagwawakas ni Zarline.
Nais kong pasalamatan ang tanggapan ni Administrator Benedicto Ulep ng Land Registration Authority sa walang sawa niyang pagpapadala ng representative sa aming tanggapan para sa may mga problema sa lupa. Nagpapasalamat din ako kay Engr. Porferio Encisa, Chief, Subdivision & Consolidation Division.
Para sa lahat ng biktima ng karahasan, krimen at mga legal problems, maaari kayong tumawag sa 6387285 o di kayay sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09209672854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
Ugaliing makinig sa aming radio program "HUSTISYA PARA SA LAHAT" kasama si DOJ Secretary Raul Gonzalez, Prosecutor Olive Non at ang inyong lingkod, tuwing Sabado alas-7 hanggang alas-8 ng umaga sa DWIZ 882 am band.
E-mail address: tocal13@yahoo.com