^

PSN Opinyon

Anomalya sa payroll

IKAW AT ANG BATAS! - Jose C. Sison -
SI Celia ay opisyal ng Assessor’s Office sa Mindanao. Noong October 1996, inutusan niya ang payroll clerk ng opisina na si Lita para baguhin ang September 1996 payroll ng pitong casual employees. Dapat palabasin ni Lita na nagtrabaho ang pitong manggagawa sa buong buwan ng September sa halip na limang araw na ibinigay na serbisyo. Sinabi rin ni Celia na ang kalahati ng kanilang sweldo sa buwan ng September 1996 ay babawasin bilang kontribusyon sa kanilang Christmas party at kinakailangang manatili itong lihim bilang sorpresa sa mga regular na empleyado. Personal na nakuha ni Lita ang sweldo ng pitong empleyado mula sa City Treasury. Ibinigay niya ito sa pitong empleado samantalang ang kalahati ay kay Celia.

Nang malaman ng City Administrator ang anomalya sa payroll, agad siyang nagsampa ng reklamong dishonesty and misconduct of office laban kay Celia. Ipinaalam ito kay Celia at siya ay sumailalim sa 90-days preventive suspension habang isinasagawa ang imbestigasyon ng kaso. Sinagot ni Celia ang paratang sa kanya at nagsumite rin siya ng apidabit ng isang tauhan ng Assessor’s Office para magpatunay na siya ay inosente. Kasama rin ni Celia ang kanyang abogado nang humarap siya sa unang pagdinig ng kaso. Nang ipahayag ng nagrereklamo na maaaring kasuhan lamang si Celia ng mas mababang sakdal na simple negligence na kinumpirma ng hearing officer, ipinaubaya ni Celia at ng kanyang abogado ang karapatang magsumite ng ebidensya para sa pormal na pagdinig ng kaso at hiniling nilang madesisyunan na ito.

Nang igawad ang desisyon na aprubado ng mayor, napatunayang nagkasala si Celia ng misconduct in office at hindi ng dishonesty, at may parusang forced resignation and forfeiture of retirement benefits except earned leave bago naisampa ang reklamo. Hindi sumang-ayon si Celia kaya umapela siya sa Civil Service Commission (CSC). Subalit, mas mabigat na kasong grave misconduct na may parusang pagkakatanggal sa serbisyo ang ipinataw ng CSC sa kanya. Kinuwestyun ito ni Celia subalit hindi nabago ang desisyon. Ayon sa CSC, kahit na tinalikdan ni Celia ang karapatan nitong maghain ng ebidensya sa pormal na pagdinig ng kaso at pumayag na madesisyunan na lamang ito, nananatili pa rin ang katotohanang si Celia ang sanhi ng pagpapalit ng payroll ng pitong empleyado.

Isinampa ni Celia ang desisyon ng CSC sa Court of Appeals (CA). Subalit umayon ang CA kahit na nagpahayag na ang bagong mayor na nagkamali si Celia at nagbigay din ito ng pahintulot na litisin muli ang kaso. Ayon sa CA, nabigyan si Celia ng karampatang due process dahil naipahayag niya ang kanyang panig. Ang hindi lubos na paggamit ni Celia at ng kanyang abogado ng pagkakataong magsumite ng ebidensya sa pormal na paglilitis ay hindi nangangahulugang ipinagkait sa kanila ang karapatang marinig ang kanilang panig. Tama ba ang CA?

Tama.
Sa kasong administratibo, makatarungan at makatwiran na maibigay sa kinasuhan ang pagkakataong maihayag ang panig. Ang isang pormal na paglilitis ay hindi kinakailangang sa lahat ng pagkakataon. Di tulad ng isang pormal na paglilitis, malalaman din ang katotohanan nang hindi gumagamit ng teknikalidad. May depekto man sa proseso, maaari pa ring umapela o humingi ng muling pagsasaalang-alang ng desisyon.

Ang pahayag ng bagong mayor ay hindi sapat na dahilan para buksan muli ang kaso ni Celia. Hindi siya ang mayor nang mangyari ang anomalya kaya wala itong kaalaman sa totoong nangyari. Kapakanan ng publiko ang isinasaalang-alang sa tuwing may reklamong isinasampa laban sa mga opisyal o empleyado ng gobyerno. Subalit mananatili lamang ang tiwala ng mga tao sa gobyerno kung ang pagdinig ng mga kasong administratibo ay hindi nakadepende sa kapritso ng mga nagrereklamo.

Sa katunayan, sila ay maituturing na testigo lamang. Dapat na ipataw ng korte ang parusa kung idinidikta ng ebidensya at hindi ng kagustuhan ng nagrereklamo (Autencio vs. Manar et.al. , G.R. 152752, January 19, 2005).

vuukle comment

AYON

CELIA

CITY ADMINISTRATOR

CITY TREASURY

CIVIL SERVICE COMMISSION

COURT OF APPEALS

LITA

NANG

SUBALIT

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with