Hindi nakapagtataka na maging ganito ang adhikain ni Bonifacio sapagkat mula nang isilang hanggang sa pamunuan ang Kataas-taasan, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan ay pawang kahirapan na ang kanyang dinanas. Ipinanganak siya sa Tondo, Manila. Naulila siya sa edad na 14 at hindi na nakapag-aral. Nag-self study siya. Kapag walang ginagawa ay nagbabasa ng libro at nakapagbigay sa kanya ng impluwensiya ang nabasang libro tungkol sa French revolution at ganon din naman ang mga nobelang sinulat ni Dr. Jose Rizal.
Itinatag niya ang Katipunan noong 1892 at buong tapang na nakipaglaban sa mga Spaniards. Pero hindi sa mga kamay ng kaaway namatay si Bonifacio at ang kapatid niyang si Procopio kundi sa mga kapwa kasamahan sa revolutionary group. Ipinabaril siya kasama si Procopio.
Hangarin noon ni Bonifacio na mapalaya sa kahirapan at makatamo ng edukasyon ang mga kababayan. Kung alam lamang ni Bonifacio na ang problema noon ay problema pa rin ngayon. Marami pa ring dukha. Marami rin ang walang trabaho. Marami pa rin ang walang sariling bahay at lupa at patuloy sa pagiging iskuwater. Karaniwan nang makikita ang mga nangangalkal ng basura sa pag-asang may mapupulot na pagkain. Marami ang nalilipasan ng gutom. Maraming estudyante naman ang hindi makabasa at makasulat. May problema sa kalidad ng edukasyon sa kasalukuyan.
Nakalaya sa mga Spaniards ang mga Pinoy subalit ang kadahupan pa rin ng buhay ang namamayani. Hindi naman alam ni Bonifacio na ang labis na pulitika sa bansa ang dahilan kaya mabuway ang ekonomiya at mailap sa mga dayuhang investors. Dahil sa pagbabangayan ng mga puli-tiko kaya patuloy ang nararanasang kahirapan ng buhay. Kung buhay si Bonifacio tiyak mag-aalsa muli siya.