Dito sa Pilipinas, hindi na lingid ang maraming kaso ng domestic violence kung saan maraming kababaihan ang namamatay. May mga babaing karumal-dumal kung patayin. At tila ang nangyayaring ito ay nagiging karaniwan na lamang ngayon. At nakapagtatakang walang ginagawa ang gobyerno para lubusang maprotektahan ang mga kababaihan. Wala rin naman makuhang hustisya sa mga babaing walang awang pinatay o kaya ay ginahasa at nilabag ang karapatan.
Ang pagdiriwang ng International Day for the Elimination of Violence Against Women ay eksaktong-eksakto naman sa nangyaring pangre-rape ng anim na sundalong Amerikano sa Subic noong November 1. Ang biktima, isang 22-anyos na college graduate mula sa Davao ay ginahasa sa isang rented van. Ang preliminary investigation ng kaso ay nakatakdang gawin ngayong araw na ito. Marami ang nangangamba na walang kahinatnan ang kaso laban sa anim na Kano. Wala ring hustisyang makakamtan ang nilapastangang Pinay kagaya ng ibang kaso ng pangre-rape sa mga Pinay.
Kawawa ang mga Pinay na patuloy na nakalalasap ng pagmamaltrato at pang-aabuso. Gaano karami ang mga Pinay domestic helpers na nakaranas nang pagmamaltrato sa kanilang amo habang nagtatrabaho sa ibang bansa gaya ng Saudi Arabia, United Arab Emirates. Hong Kong, Singapore at iba pang bansa. Marami sa mga DH ang ginagahasa, pinaplantsa ang mukha, at hindi pinakakain sa kabila na kayod kalabaw ang pagtatrabaho. May mga Pinay na sa pagnanais takasan ang maniac at malupit na amo ay tumatalon sa bintana. Mas piniling mamatay kaysa magahasa ng among maniac.
Tungkulin ng gobyerno na tulungan ang mga kababaihan. Wakasan ang pagmamaltrato, pang-aabuso, pagpapahirap sa kanila. Protektahan ang mga kababaihan at alisin sa kanilang balikat ang mabigat na krus na kanilang pasan.