Karamihan sa mga teachers ay sumasahod lamang ng P7,000 hanggang P9,000. Saan aabot ang suweldong ito lalo pa ngayong nagsitaasan na ang mga pangunahing bilihin? Mabigat ang hinahawakan nilang responsibilidad subalit hindi naman mabigyan nang mataas na suweldo. Lalo pang bumibigat kapag panahon ng election kung saan ay doble hirap ang kanilang tinatamasa at ang iba ay nagbubuwis ng buhay kagaya ng isang teacher sa Batangas na sa pagprotekta sa balota ay binaril at napatay. Mga bayani ng election subalit hindi naman makakuha ng ganap na atensiyon sa pamahalaan. Marami ang gumaganap ng tungkulin subalit hindi binibigyan ng allowance. At mas matindi pa ngang ang contributions nila sa Government Service Insurance System (GSIS) ay hindi nire-remit.
Dahil sa kaliitan ng suweldo ng mga teachers hindi sila masisisi kung mag-abroad at doon hanapin ang "berdeng pastulan". At kung ang pag-di-DH ay pinapatulan ng mga teachers, ano pa kung ang inaalok na trabaho ay ang pagtuturo mismo kagaya ng alok ng United States na nangangailangan ng 200,000 teachers. Sino ang hindi mahihikayat sa alok sa mga teachers lalo pa at ang katapat na suweldo ay lima o anim na beses na mataas kaysa sinusuweldo rito. Pagkakataon na ito para sa mga teachers na nangangarap mabago ang buhay.
Sabi naman ni Education Undersecretary Fe Hidalgo sa mga teachers, magturo muna rito sa sariling bansa bago magturo sa iba. Ang kahilingan ni Hidalgo ay ginawa nang malamang nangangalap ng Pilipino teachers ang US. Pero dapat tanungin ni Hidalgo ang sarili kung mabibigyan ng kinabukasan ang mga teachers na karampot ang suweldo. Hindi sila dapat pigilang humanap ng "berdeng pastulan". Kung pipigilan, ipangako ang mataas na suweldo at mga benepisyo.