Ayon sa inilunsad na libro ng Philippine Human Rights Information Center (Philrights), na may pamagat na "Deadly Playgrounds: The phenomenon of Child Soldiers in the Philippines" may 200 bata sa Pilipinas ang kaanib sa mga rebeldeng grupo gaya ng New Peoples Army, Moro Islamic Liberation Front, Alex Boncayao Brigade at maging sa government paramilitary group na Citizens Armed Forces Geographical Unit (CAFGU).
Ganoon man, ayon sa libro, hindi pinilit ang mga bata na sumali sa mga nabanggit na grupo. Malayang sumanib ang mga bata at nagawa nila iyon dahil sa nararanasang grabeng kahirapan ng buhay, pang-aabuso at pagwawalambahala ng gobyerno sa kanilang kalagayan. Nagawang yakapin ng mga bata ang ipinaglalabang ideolohiya at relihiyon at para na rin mabuhay. Ang pakikipaglaban, ayon sa mga bata (may gulang na 17 pababa) ang pinakamabuti at pinakamahusay na alternatibo.
Ang kahirapan ang nagtulak sa mga bata para humawak ng armas at lumaban. Sa halip na nasa school ang mga bata at nag-aaral, nasa bundok sila, hawak ang baril at patagu-tago, palipat-lipat ng lugar para maiwasan ang mga humahabol na sundalo.
Ang ganitong kalagayan ng mga bata ay nararapat mapagtuunan ng gobyerno. Wakasan ang kahirapan para matapos na rin naman ang pakikipaglaban ng mga kabataan.
Sa halip na sa gubat o sa bundok nila hanapin ang kanilang bukas, nararapat sa school muna nila ito masumpungan. Kung magpapatuloy ang kahirapan, marami pang mga bata ang patuloy na hahawak ng armas at tiyak na tuluyang masisira ang kanilang bukas. Hindi na mapipigil ang pagkamuhi nila sa gobyerno at ang resulta, patuloy na kaguluhan sa bansang ito. Iligtas ang mga kabataan sa pamamagitan nang pagdurog sa kahirapan.