Nagsadya sa aming tanggapan si Ernesto Pingol upang humingi ng tulong hinggil sa kasong homicide na isinampa nila laban sa isang pulis.
Ika-29 ng Setyembre 2004 sa pagitan ng alas-8 hanggang alas-9 sa kanto ng C. Name at Bayani St., Caloocan nang maganap ang insidente. Lulan ng isang Isuzu pick up ang magkakaibigan na sina Sergio Davin, Andiemar Nolasco, Jonathan Nolasco at ang biktima na siya ring nagmamaneho ng nasabing sasakyan, si Oliver Pingol, 27 taong gulang ng Katipunan St., 2nd Ave., Caloocan City.
"Galing daw ang magkakaibigan sa PEE Asia office sa 5th Ave. bandang alas-6 ng gabi at pagkatapos ay tumuloy sa Obrero, Tondo para tumaya naman sa karera. Umalis na rin daw ang mga ito bandang alas-8 ng gabi," sabi ni Ernesto.
Pagdating umano sa may kanto ng C. Name at Bayani St. huminto ang sasakyan nila Oliver dahil medyo traffic at kasalukuyan namang nasa unahan ang isang tricycle na tila gagawi sa kaliwa papunta sa Bayani St. hanggang sa nagloko ang pick-up. Napatutok lang sa bandang likuran ang isuzu pick sa tricycle subalit hindi naman ito nabangga.
"Ang ginawa daw ni Oliver tinapakan na lamang ang preno nito. May isang lalaki pala ang nakasakay sa likuran ng driver ng tricycle. Parang tinuro raw nito ang kamay nito kaya naman sumenyas si Oliver bilang paghingi ng dispensa," sabi ni Ernesto.
Samantala bigla na lamang bumaba sa tricycle ang nasabing lalaki na positibong kinilalang si PO1 Gilbert Fuentes ng Caloocan City at naka-assign ito sa Northern Police District, Station 10 sa Kamuning, Quezon City. Bumunot umano ito ng baril sa kaliwang tagiliran at sinabihan ang biktima ng Gago ka. Agad namang bumaba ng sasakyan si Oliver upang kausapin at humingi ng paumanhin sa suspek.
"Tinanong ng kapatid ko kung ano ang problema pero bigla na lamang tinutukan ng baril ang kapatid ko at medyo nakataas pa ang kanang kamay nito at nakangiting lumapit sa suspek," kuwento ni Ernesto.
Samantala narinig na lamang ng mga kaibigan ni Oliver ang putok ng baril kaya agad silang bumaba para tulungan ang kaibigan. Nakita na lamang ni Andiemar, kaibigan ng biktima na hinawakan nito ang baril na pag-aari ng suspek. Habang pabagsak si Oliver, humingi na ito ng saklolo.
"Parehas na silang bumagsak at pilit na nag-aagawan sa baril. Tumulong na noon sina Sergio at Jonathan samantala si Andiemar naman ay tumakbo pauwi sa kanilang bahay para humingi ng tulong sa iba pa nilang mga kaibigan," salaysay ni Ernesto.
Naagaw naman ng mga ito ang baril ni PO1 Fuentes kaya naman mabilis itong tumakbo papalayo sa pinangyarihan ng insidente. Samantala pagbalik naman ni Andiemar naabutan na lamang nito ang kaibigang si Jonathan na binabantayan ang pick-up.
"Isinakay na lamang sa isang tricycle si Oilver at dinala ito sa Grace Hospital sa Caloocan pero kinailangan din namin itong ilipat sa Chinese General Hospital subalit namatay rin siya habang ginagamot," sabi ni Ernesto.
Ayon pa kay Ernesto, habang nasa emergency room ng ospital ang biktima, dumating si Sgt. Roland Mendoza na umanoy nag-iimbestiga sa nangyaring insidente. Kasama din nito si PO1 Fuentes na siya ring complainant sa umanoy pang-aagaw ni Oliver ng kanyang baril.
Nagsampa agad ng kaso ang pamilya ni Oliver sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) laban kay PO1 Gilbert Fuentes. Samantala nagkontra-demanda naman si PO1 Fuentes laban sa grupo ni Oliver ng Robbery with Physical Injuries dahil sa ginawa umanong pagkuha sa kanyang baril.
"Imposibleng agawan siya ng baril kung wala naman siyang ginagawa. Gusto niyang mapagtakpan ang krimeng ginawa niya. Matagal na rin ang kasong ito subalit hanggang ngayon ay naghihintay pa rin kami sa resolution nito," pahayag ni Ernesto.
Hangad ng pamilya ng biktima na mabigyan ng hustisya ang nangyaring ito kay Oliver. Nais din nilang pagbayaran ng suspek ang krimeng ginawa nito.
Nais kong pasalamatan ang tanggapan ni Administrator Benedicto Ulep ng Land Registration Authority sa walang sawa niyang pagpapadala ng representative sa aming tanggapan para sa may mga problema sa lupa. Nagpapasalamat din ako kay Engr. Porferio Encisa, Chief, Subdivision & Consolidation Division.
Para sa lahat ng biktima ng karahasan, krimen at mga legal problems, maaari kayong tumawag sa 6387285 o di kayay sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09209672854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
Ugaliing makinig sa aming radio program "HUSTISYA PARA SA LAHAT" kasama si DOJ Secretary Raul Gonzalez, Prosecutor Olive Non at ang inyong lingkod, tuwing Sabado alas-7 hanggang alas-8 ng umaga sa DWIZ 882 am band.