At panibagong dagdag na antak sa sugat ang pangre-rape ng anim na Sundalong Kano sa isang Pinay. Nasa custody ng US Embassy ang anim na sundalo at nakatakda ang preliminary hearing sa November 23. Si Atty. Katrina Legarda ang abogado ng ni-rape na Pinay. Ang anim na sundalo ay sina Daniel Smith, Corey Burris, Keith Silkwood, Chad Carpenter, Dominic Duplantis at Albert Lara, Ayon sa report, ang Pinay na ni-rape ay isang college graduate mula sa Zamboanga at kaya nasa Subic ay sinamahan ang kanyang stepsister na makikipagkita sa boyfriend nito. Nakitang nakikipagsayaw ang Pinay sa isa sa mga sundalo sa bar. Pagkalipas ng ilang oras ay lumabas ang sundalo kasama ang Pinay at sumakay sa isang rented van na ang nagmamaneho ay isang Pinoy. Makaraan pa ang ilang oras, nakitang ibinaba ang babae sa isang lugar at doon naman siya nakita ng mga nagpapatrulyang pulis. Naka-panty na lamang ang Pinay, tuliro at naghi-hysterical. Dinala ang babae sa ospital at ang kasunod ay ang rebelasyon ng mga sinapit niya sa anim na sundalong Kano. Humihingi ng hustisya ang Pinay. Nanawagan na ang kanyang ina kay President Arroyo na tulungan ang kanyang anak sa sinapit sa anim na manyakis.
Walumpong kaso ng panggagahasa ang nagawa ng mga Kano at wala pang naigawad na hustisya. Ganito rin kaya ang mangyari sa ginahasang Pinay? Huwag naman sana. Masyado nang nabababoy ang mga Pinay. Humihingi ng hustisya ang ginahasang Pinay at hindi dapat pabayaan. Panahon na rin para i-terminate ang Visiting Forces Agreement (VFA) na mula nang ipatupad ang war exercise ay marami nang nilabag ang mga sundalong Kano. Ilang Pinoy na ang kanilang binaril at ginulpi. Itigil na ang VFA na yan!